Makalipas ang 8 taon na walang aksyon PAGBAHA SA SUNOG APOG TINUTUGUNAN NA – YORME ISKO

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SINABI ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso noong Martes, Disyembre 16, sa wakas sa loob ng walong taong kawalan ng aksyon, sumusulong na ang matagal nang naantalang flood mitigation works sa Sunog Apog Pumping Station.

Sa isinagawang inspeksyon sa pumping station, sinabi ni Domagoso na dumating ang breakthrough matapos ang full technical review ng pasilidad, na nanatiling hindi gumagana simula nang itayo ito sa kabila ng paulit-ulit na pagbaha sa lugar.

“Now, with those times spent studying it, today magkakasama tayo. At least masaya akong ibabalita sa mga kapitbahay namin dito sa Sunog Apog na alam na ‘yung problema, meron nang maayos at pang-permanenteng solusyon,” wika ni Domagoso.

Kasama ni Domagoso sa inspeksyon sina Public Works Secretary Vince Dizon at Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes.

“Eight years na simula nang ipagawa ito noong 2018 hanggang ngayon walang nangyari dito, ‘no. Hindi umandar ito ever,” pahayag ni Dizon.

Sinabi ni Mayor Isko na nai-restore na ngayon ang isa sa apat na pump gate ng PRIME BMB, ang pribadong contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na minarkahan ang unang konkretong pag-unlad sa site.

“We are hoping that proof of concept will run January 16 as committed by Prime Infra,” saad pa ni Domagoso.

“Nakisuyo naman tayo na sa Mayo magtatag-ulan na naman, sana by that time at least three or the entire pump gumana nang lahat,” dagdag pa ni Isko.

Sa ilalim ng Phase 1 ng rehabilitasyon, ang naibalik na pump, na may kapasidad na 3.5 cubic meters per second, na ayon sa mga timeline ng proyekto, nakatakdang magsimula ang operasyon sa Enero 16, 2026.

Sa Phase 2, mabubuksan ang lahat ng apat na pumping gate pagsapit ng Mayo, na lubos na magpapataas sa kapasidad ng istasyon sa pagkontrol ng baha bago ang tag-ulan.

Sa Phase 3, na tinatayang makumpleto pagsapit ng Setyembre 2026, inaasahang magiging ganap na gumagana ang buong sistema ng pumping.

“Nais nating pasalamatan ang Chairman at Secretary ng MMDA na si Vince sa National Government at Prime Infra sa tunay na paghahanap ng solusyon, na isang permanente at pangmatagalang solusyon para sa kapitbahayan,” pahayag ni Mayor Isko.

Dagdag pa ni Mayor Domagoso, na pagkatapos ng full completion, ibibigay ang operational control ng Sunog Apog Pumping Station sa MMDA pagsapit ng Setyembre 2026, dagdag niya.

***

Inihayag kamakailan ni Yorme Isko ang pagpapalabas ng P648.84 milyong tulong pinansyal, benepisyo, at insentibo para sa mga estudyante, kawani ng pamahalaang lungsod, health workers, at mga contract personnel ng Maynila sa isinagawang flag-raising ceremony sa Manila City Hall noong Lunes, Disyembre 15.

Bago idetalye ang mga benepisyo, ipinahayag ni Domagoso ang kanyang pasasalamat sa mga nagbabayad ng buwis at mga negosyo sa lungsod para sa pagsuporta sa mga programa ng lokal na pamahalaan.

“Itong P648 million saan galing? Gusto ko lang ipaliwanag sa inyo ng konti. Sa mga nagbabayad ng buwis. Kaya ako naman, buong kababaang-loob, nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo: kapag may taxpayer tayong kausap o mamamayan na ating pinaglilingkuran, pakitunguhan niyo naman nang maayos dahil ang buhay natin ay nakasalalay sa pagtitiwala nila na ibigay ang kanilang hard-earned money upang ibayad bilang obligasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” wika ni Mayor Isko.

Sinabi ni Domagoso na ang P302.18 milyon na insentibo ay para sa mga permanenteng empleyado ng lungsod, kabilang ang mga co-terminous na empleyado at mga halal na opisyal, na sumasaklaw sa mga retroactive salary adjustment sa ilalim ng ikalawang yugto ng Salary Standardization Law, at maging ang mga insentibo sa medikal, productivity at service recognition incentives.

Makatatanggap ang mga kwalipikadong empleyado ng P7,000 medical allowance, P5,000 Productivity Enhancement Incentive, at P10,000 Service Recognition Incentive, na nakatakdang ipamahagi mula Disyembre 15 hanggang 23.

Ayon pa kay Domagoso, makatatanggap naman ang job order at contract of service worker ng P66 milyon na gratuity pay, kung saan P7,000 ang matatanggap ng bawat kwalipikadong manggagawa.

“Nagpapasalamat kami kay Pangulong Bongbong Marcos para dito. Hinihintay ko ang kanyang anunsyo sa Administrative Order No. 39 at 40. Noong nakaraang Biyernes, gumawa si Pangulong Marcos ng Administrative Order. Eh ang hindi alam ng Presidente, naggagayak na tayo. Nag-aantay na lang tayo ng go signal niya. So palakpakan natin si President Marcos,” wika pa ni Isko.

Para sa mga health worker, maglalabas ang Pamahalaang Lungsod ng P128.13 milyon sa PhilHealth professional shares para sa mga tauhan ng mga pampublikong ospital ng Maynila at ng Manila Health Department, na sumasaklaw sa mga koleksyon mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.

Sinabi rin ni Mayor Isko na P100 milyon sa PhilHealth ang karagdagang ipamamahagi mula sa mga dating hindi naipamahaging koleksyon, na pakikinabangan ng mga medical, non-medical, barangay health worker, nutrition scholars, at support personnel.

Sa ilalim ng College Student Assistance Program, ipamamahagi ng lungsod ang P46.03 milyon sa 18,235 estudyante ng Universidad de Manila at Manila City High School, na may mga allowance na sumasaklaw sa mga academic month mula Hulyo hanggang Setyembre 2025.

May karagdagang P6.5 milyon na ilalabas sa ilalim ng College Subsidy Program para sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), na sumasaklaw sa ikatlong kwarter ng 2025.

“Paldo ang mga Batang Maynila!” wika ni Domagoso.

“Pwede bang makisuyo? ‘Yung pinakamalakas at mainit ninyong pasasalamat sa ating mga taxpayer. Palakpakan natin sila. I cannot do it alone. In fact, I didn’t pay for it. My son paid for me by the home, but they did it. They did it for us to have what we’re going to have in the coming days and what we’re having every 15th and 30th of the month. That is because of them,” saad pa ni Domagoso.

Noong Nobyembre, ipinag-utos ni Domagoso ang pagpapalabas ng P317 milyon year-end bonuses at cash gifts para sa regular na empleyado ng City Hall, at P22.3 milyon allowances para sa Manila prosecutors at judges ng Maynila.

Inanunsyo rin ni Mayor Domagoso ang pagpapalabas ng P243.4 milyon social assistance para sa persons with disabilities, solo parent, at DSWD-listed senior citizens, kasama ang mahigit P143 milyon na matagal nang naantalang pondo para sa 896 barangay ng Maynila na sumasaklaw sa mga clearance share, development funds, at property tax entity.

Pinangunahan ni Mayor Isko ang paglulunsad ng programang “One Smart TV = One Classroom” ng lungsod, kung saan ipamamahagi ang 397 laptop at 133 Smart TV sa 72 pampublikong elementarya gamit ang P143 milyon na inilaan mula sa 2025 Special Education Fund.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

95

Related posts

Leave a Comment