OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang dumulog sa Saksi Ngayon upang humingi ng tulong matapos umanong makaranas ng matinding takot at trauma sa kanyang trabaho sa Saudi Arabia. Ang OFW ay kinilalang si Rolilyn Pambid, 24-taong gulang at kasalukuyang nagtatrabaho bilang on-call residential cleaner sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon sa salaysay ni Rolilyn, siya ay dumating sa Saudi Arabia noong Nobyembre 13, 2025 sa ilalim ng lokal na ahensiyang Placewell International Services Corporation at ng employer na Musanid Almawarid for Operation and Maintenance, na matatagpuan sa Exit 10, King Abdullah Road, Riyadh. Ilang linggo pa lamang siya sa abroad ay agad na siyang nakaranas ng insidenteng nagdulot ng matinding pangamba at trauma.
Isinalaysay ni Rolilyn na habang siya ay naglilinis sa bahay ng isang kliyente, aksidente niyang nasira ang vacuum cleaner. Dahil dito, siya umano ay pinagbantaan ng kanyang kliyente na ipapupulis siya kung hindi siya magbabayad ng halagang 500 Saudi Riyals. Dahil sa banta, labis ang kanyang takot at pangamba, lalo’t siya ay mag-isa at walang sapat na kaalaman sa mga batas at proseso sa bansang kanyang pinagtatrabahuan.
“Hindi ko na po kinaya ang nangyari. Natatakot po ako at hanggang ngayon ay hindi na ako mapalagay,” ani Rolilyn. Dahil sa insidente, nais na niyang umuwi ng Pilipinas upang makalayo sa sitwasyong aniya’y labis na nakaapekto sa kanyang kalusugang pangkaisipan at emosyonal.
Ang kanyang kapatid na si Cecile P. Salaguinto, na naninirahan sa San Pablo, San Mariano, Isabela, ang nagsisilbing kanyang next of kin at kasalukuyang umaapela ng tulong para sa agarang repatriation ni Rolilyn.
Ang kasong ito ay muling nagpapaalala sa kahalagahan ng mas mahigpit na pagbabantay sa kalagayan ng mga OFW, lalo na ang mga kababaihang nagtatrabaho sa pribadong tahanan. Umaasa si Rolilyn at ang kanyang pamilya na mabibigyang pansin ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kanyang kalagayan upang siya ay makauwi nang ligtas at makapagsimulang muli sa Pilipinas.
101
