NAKAALERTO at mahigpit na binabantayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Field Office 11 – Davao Region ang epekto ng magnitude 6.4 na lindol na tumama sa bayan ng Manay, Davao Oriental nitong Miyerkoles, Enero 7.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang lindol dakong alas-11:02 ng umaga, na may lalim na 23 kilometro at episentrong humigit-kumulang 55 kilometro hilaga, 85 degrees silangan ng Manay.
Bilang pag-iingat, pansamantalang inilikas ng mga tauhan ng DSWD sa Davao Region ang kanilang opisina matapos ang pagyanig. Sa kasalukuyan, naka-standby ang operasyon ng ahensya habang patuloy ang monitoring sa sitwasyon.
Tiniyak ng DSWD FO-11 sa publiko na handa silang magsagawa ng rapid damage and needs assessment sakaling may maitalang pinsala sa mga apektadong lugar.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, pinuno ng Disaster Response Management Group (DRMG) at tagapagsalita ng ahensya, nananatiling handa ang Kagawaran sa anumang agarang pangangailangan ng mga komunidad.
“Naka-standby na po ang ating mga regional offices upang agad na tumugon kung kinakailangan. Patuloy po ang monitoring ng Field Office 11 para masigurong handa ang tulong ng gobyerno para sa mga naapektuhan ng lindol,” ani Dumlao.
Bilang bahagi ng pinalakas na disaster preparedness, nakahanda ang DSWD FO-11 na magbigay ng 50,633 family food packs (FFPs) at may ₱1,284,657.25 na standby funds para sa agarang tulong.
Patuloy rin ang koordinasyon ng DSWD sa mga local government units (LGUs) at iba pang katuwang na ahensya upang matukoy ang kinakailangang tulong sa mga apektadong residente.
Naka-standby din ang mga social protection assets ng ahensya kabilang ang mobile kitchen, mobile command center, at mobile water system para sa agarang deployment kung kakailanganin.
(PAOLO SANTOS)
93 