NCRPO FULL ALERT, PNP ALL SYSTEM GO SA TRASLACION 2026

INIHAYAG ng Philippine National Police na “all system go” ang pambansang pulisya kaugnay sa gaganaping ngayon Traslacion 2026 na inaasahang dadaluhan ng milyon-milyong deboto kasabay sa selebrasyon ng Kapistahan ng Nuestro Señor Padre Jesus Nazareno ng Quiapo, sa Maynila.

Ayon sa PNP, all set na ang kanilang pwersa na nasa heightened alert status simula pa kahapon habang naka-full alert naman ang mga tauhan ng National Capital Regional Police Office na naatasang magpatupad ng maximum tolerance kaugnay sa gagawing pagmamantina ng peace and order para sa tradisyunal procession na magmumula sa Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo Basilica Menor.

Ayon kay PNP acting chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, “The Philippine National Police… is all set for the Traslacion this year in Manila where millions of devotees are expected to converge for the annual religious activity.”

Una nang inihayag ng pambansang pulisya na nag-deploy sila ng mahigit 18,000 police personnel, bukod sa itinalagang force multipliers at mga tauhan ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at augmentation force mula sa Armed Forces of the Philippines.

“My directive to the police is to exercise maximum tolerance, professionalism, and respect for the religious activity,” ani Gen. Nartatez.

Hanggang kahapon ay walang validated threat na na-monitor ang intelligence network ng security forces ng gobyerno na posibleng makagulo sa tradisyunal na Traslacion ng Señor Padre Jesus Nazareno.

Samantala, inihayag sa press briefing sa Camp Crame ni Manila Police District (MPD) spokesperson, Maj. Philipp Ines na mahigpit nilang ipatutupad ang liquor ban, pagbebenta, pag-inom ng alak, pagdadala ng firearms outside residences, at maging ang pagbebenta at paggamit ng firecrackers sa Maynila.

Pinayuhan din ng mga awtoridad ang mga deboto na sundin ang paalala ng mga tao ng Quiapo Church, na huwag nang magtangkang sumampa sa andas, sa kasagsagan Traslacion.

Kaugnay nito, inihayag ng Philippine Red Cross (PRC) na magde-deploy sila ng 1,261 personnel at volunteers para sa taunang Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno para tumugon sa mga posibleng medical emergency sa panahon ng Traslacion na natapat din sa araw ng Biyernes kaya inaasahang aabot sa mahigit milyon ang sasali sa prusisyon.

Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, itatalaga ang kanilang mga tauhan sa 17 first aid stations at 17 welfare desks na nakapwesto sa kahabaan ng ruta ng Traslacion, kung saan inaasahang daragsa ang milyun-milyong deboto.

Bilang bahagi ng paghahanda, maglalagay rin ang PRC ng 17 first aiders on wheels, 12 roving scooters, 19 ambulance naka-deploy sa mga ruta, at 20 standby ambulances. Mayroon ding dalawang rescue boards at tatlong rubber boats na nakahanda para sa posibleng water rescue operations.

Inihahanda rin ng PRC ang 50-bed emergency field hospital na matatagpuan sa Kartilya ng Katipunan Monument sa tabi ng Manila City Hall. Ito ay pamumunuan ng 60 medical personnel at nakahandang tumugon sa mass casualty incidents gayundin sa minor at moderate incidents.

(JESSE RUIZ)

91

Related posts

Leave a Comment