Ipinaaaresto na ng korte TRACKER TEAM VS ATONG ANG, 17 PA IKINASA NG PNP

HANDA na ang Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang warrant of arrest laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon kay PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Ito ay kasunod ng paglabas ng warrant of arrest ng Regional Trial Court (RTC) Branch 26 ng Sta. Cruz, Laguna laban kay Ang at iba pa kaugnay ng kasong kidnapping with homicide, isang non-bailable offense, na may kaugnayan sa imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Nartatez na nakikipag-ugnayan na ang PNP sa RTC Sta. Cruz, Laguna para sa agarang implementasyon ng arrest warrant.

Minobilisa na rin umano ng PNP ang ilang tracker teams upang ipatupad ang mga warrant laban kay Ang at sa iba pang idinadawit sa umano’y pagdukot at pagpaslang sa mga missing sabungero.

Ayon pa sa acting PNP chief, natukoy na ng pulisya ang mga posibleng kinaroroonan ni Ang kung saan ihahain ang warrant. Tiniyak niyang tuloy-tuloy ang operasyon hanggang sa tuluyang maaresto ang mga akusado.

Kahapon, inatasan ng RTC Branch 26 ng Sta. Cruz, Laguna ang lahat ng law enforcement agencies na hanapin at dakpin si Ang na nahaharap sa tatlong bilang ng kidnapping at serious illegal detention, bukod pa sa kidnapping with homicide.

Bukod kay Atong Ang, ipinadadakip din ng korte, sa pamamagitan ni Presiding Judge Mary Jean Cajandab-Ong, ang 17 iba pang indibidwal na sangkot umano sa pagkawala at pagpaslang sa mahigit 33 sabungero.

Wala ring inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado matapos mapatunayang may probable cause sa kaso.

(JESSE RUIZ/JULIET PACOT)

69

Related posts

Leave a Comment