TINANGGIHAN ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na magbigay ng impormasyon kaugnay ng sinasabing warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Sa isang online post, isinapubliko ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon ang liham ng DOJ, na aniya’y inilabas upang malaman ng publiko ang opisyal na posisyon ng ahensya hinggil sa isyu.
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, hindi maaaring magbigay ang DOJ ng anomang payo, gabay, o impormasyon ukol sa naturang usapin bilang pagtalima sa prinsipyo ng judicial courtesy na iginagawad sa mga korte.
Dagdag pa ng DOJ, napagtuunan na umano ng Korte Suprema ang isyu ng sinasabing ICC warrant matapos nitong tanggihan ang kahilingan ng kampo ni Dela Rosa na pilitin ang pamahalaan na ilabas ang nasabing dokumento.
Sa kanyang liham, humiling si Torreon ng kumpirmasyon at paglilinaw kung may natanggap na anomang komunikasyon ang DOJ mula sa ICC o Interpol kaugnay ng umano’y warrant of arrest, red notice, o surrender request laban sa senador.
Inaalam din ng kampo ni Dela Rosa kung nagkaroon ng koordinasyon ang DOJ sa Department of Foreign Affairs (DFA), at kung may inilabas na kautusan ang ahensya sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration, at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng usapin.
Una nang ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong nakaraang taon na nakapaglabas na umano ang ICC ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa dahil sa sinasabing pagkakasangkot nito sa madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
(JULIET PACOT)
64 