PNP, KAILANGAN NG MALAWAKANG PAGLILINIS

RAPIDO ni PATRICK TULFO

MULI na namang umiinit ang mata ng madla sa mga kapulisan dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersyang kinakasangkutan nito.

Dalawang linggo na ang nakararaan nang maaresto ng Makati PNP ang 6 na pulis Maynila dahil sa umano’y sapilitang pagkuha ng pera at gamit ng mga madaraanan ng mga ito sa lungsod ng Makati. Wala umanong opisyal na koordinasyon sa Makati PNP kung anoman ang operasyon ng mga ito dahil hindi nila ito nasasakupan. Sinampahan na ang 6 na pulis ng kasong robbery.

Nito ngang nakaraan lang ay pulis na naman ang sangkot sa kaso ng pagpatay sa mag-inang Mollenido, na isa ring aktibong pulis ang ginang.

Mainit na nakatutok sa kaso ang madla kung saan isang dismissed na pulis at asawa nito ang pumatay umano sa mag-ina. Kasama rin sa iniimbestigahan ang asawa ng napatay na pulis na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido upang alamin ang kinalaman nito sa kaso.

Sa patuloy na pagkakasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang krimen, dapat ay pag-aralang mabuti ng ating nakaupong mga lider ang magandang gawin sa hanay na ito.

Matatandaang itinaas na ang sweldo ng mga pulis, bukod pa rito ang mga benepisyong nakukuha nila at ng kanilang pamilya.

Mukhang hindi sapat ang pagtaaas ng sweldo ng mga ito bilang solusyon upang malinis ang hanay na dapat ay tagaprotekta, hindi pasimuno ng kaguluhan at krimen sa bansa.

Dapat ay higpitan ang kwalipikasyon at taasan ang standard ng mga kapulisan.

Hindi naman lahat sa kapulisan ay bulok, marami tayong matitinong pulis, pero kailangang matanggal ang bulok upang hindi mahawa sa pagkabulok ang natitirang matitinong pulis.

Pero sabi nga, kung ang puno ay matino, magbubunga rin ito ng matino. Kung ang puno ay bulok, inaasahan ba nating magbubunga siya ng matino?

12

Related posts

Leave a Comment