SUPORTADO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang anti-fake news measure basta’t hindi nito masasagasaan ang kalayaan sa pagpapahayag.
Ito ang tiniyak ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos banggitin ng Pangulo ang panukala sa isinagawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
Ayon kay Castro, kabilang ang anti-fake news at digital disinformation bill sa 21 priority measures na target maipasa bago Hunyo.
“Ang sabi lamang po ng Pangulo ay dapat balansehin dahil baka masagasaan ang freedom of expression. Dapat malinaw kung ano ang fake news at disinformation,” ani Castro.
Nagbigay rin ng katiyakan ang Malacañang na hindi gagamitin ang panukala upang patahimikin ang kritisismo laban sa pamahalaan.
“Hindi po hahayaan ng Pangulo na masagasaan ang freedom of expression ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Samantala, kabilang din sa mga prayoridad ng Pangulo ang online child protection, Bangsamoro elections, travel tax abolition at political dynasty reform.
(CHRISTIAN DALE)
5
