SK CHAIRMAN KA, KAYA DAPAT ALAM ANG LIMITASYON NG AKSYON

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

NASUSUKAT ang liderato hindi lang sa malalaking proyekto kundi sa maliliit na kilos. Doon madalas lumilitaw ang tunay na pag-uugali ng isang tao.

Kaya naging malaking bagay ang viral na video ng isang Sangguniang Kabataan chairman sa Sta. Cruz, Laguna na makikitang pinipisil at hinahawakan ang siopao at hotdog sa loob ng isang convenience store bago bumili.

Sa unang tingin, parang simpleng pag-check lang kung mainit pa ang pagkain. Pero habang pinanonood mo ang video, maiisip mo agad ang mas malaking tanong. Paano kung may ibang kostumer ang bumili ng pagkaing iyon. Paano kung iyon ang makain ng isang bata o ng isang matanda. Doon na pumapasok ang usapin ng responsibilidad at paggalang sa iba.

Malakas ang naging reaksyon ng publiko at hindi iyon nakapagtataka. Marami ang nandidiri. May ilan na nagsabing baka ginawa ito para mag-viral o magpatawa. Ngunit imbes na aliw ang makuha, batikos ang bumuhos. Sa panahon ngayon, mabilis kumalat ang isang video. Kasabay ng pagkalat ay ang pagdududa, hindi lang sa taong nasa video kundi pati sa establisimyento na nadamay.

Mahalagang tandaan na ang usapin ng food safety ay hindi biro. Kaya may tongs o gloves ay dahil malinaw ang patakaran sa paghawak ng pagkain. May tiwala ang mga mamimili na maayos at malinis ang produkto bago ito makarating sa kanila. Kapag may nakita silang taliwas dito, natural lang na mangamba sila. Isang saglit na kilos ang pwedeng magdulot ng pangmatagalang epekto sa reputasyon ng isang negosyo.

Mas nagiging mabigat ang isyu dahil ang taong nasa video ay isang halal na opisyal. Ang Sangguniang Kabataan ay nilikha sa ilalim ng Republic Act No. 10742 o SK Reform Act of 2015 upang hubugin ang kabataan sa maayos na pamumuno at pakikilahok sa pamahalaan. Hindi ito simpleng titulo lamang. May kaakibat itong inaasahang asal at disiplina, lalo na sa pampublikong lugar.

May mga nagsasabing SK chairman lang naman siya. Ngunit para sa akin, doon mismo nagsisimula ang pamantayan. Kung sa maliit na sitwasyon ay may kakulangan sa pag-iingat, paano pa kaya kung mas malaki na ang saklaw ng kapangyarihan niya? Ang karakter ay hindi nabubuo kapag mataas na ang posisyon. Nahahayag ito sa pang araw-araw na kilos.

Naglabas na ng paghingi ng paumanhin ang opisyal at nangakong magiging mas responsable. Mahalaga ang pag-amin sa pagkakamali. Ngunit mas mahalaga ang malinaw na pagbabago sa asal. Kapag pinili mong magsilbi, kailangan mong tanggapin na bawat galaw mo ay maaaring maging halimbawa, mabuti man o masama.

Ang viral na insidente na ito ay paalala rin sa bawat kabataan sa posisyon ng pamahalaan: ang maliit na kilos ay puwedeng magsalamin ng malalaking aral. Hindi sapat ang simpleng paghingi ng paumanhin kung hindi ka rin magpapakita ng tunay na pagbabago sa asal.

Walang masama sa pagiging aktibo sa social media. Bahagi na ito ng pakikipag-ugnayan sa komunidad. Ngunit dapat laging may hangganan ang content, lalo na kung maaaring maapektuhan ang kalusugan ng iba at ang pangalan ng isang negosyo.

Sa panahon ng social media, ang bawat galaw ay may saklaw na bunga, at ang publiko ay mabilis humusga. Ang lider na hindi marunong mag-ingat sa simpleng sitwasyon ay nagpapakita ng kakulangan sa disiplina at malasakit, na pwedeng maging hamon sa pagtitiwala ng kanyang nasasakupan sa mas seryosong responsibilidad balang araw.

Ang tunay na lider ay hindi nasusukat sa dami ng views kundi sa kakayahang mag-isip muna bago kumilos.

3

Related posts

Leave a Comment