PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
SA gitna ng makukulay na ilaw, tunog ng paputok at alingawngaw ng countdown sa pinakamatandang Chinatown sa mundo, muling ipinakita ni Manila Mayor Isko Moreno kung paano niya gustong ilarawan ang Maynila: bukas, buhay, at handang makipagkaibigan sa mundo.
Sa pagsalubong sa Chinese New Year sa Binondo, hindi lang bagong taon ang ipinagdiwang kundi isang malinaw na mensahe, pagkakaisa, kapayapaan, at mas matibay na ugnayan ng Pilipinas at China.
Sa harap ng mga Manileño at panauhing pandangal, kabilang si Jing Quan, iginiit ng alkalde na mas maraming flight mula China patungong Cebu ang inaasahan. Mas maraming flight, mas maraming turista. Mas maraming turista, mas maraming trabaho at negosyo. Simple ang equation, ngunit malaki ang epekto sa ekonomiya.
Hindi maikakaila na ang Maynila ang sentro ng komunidad ng Filipino-Chinese sa bansa. Dito sa Binondo umusbong ang mga negosyong naging haligi ng kalakalan. Dito rin naipamana ang kultura, tradisyon, at diwa ng sipag na naging bahagi na ng identidad ng lungsod.
Ipinunto rin ng alkalde ang mas malalim na kasaysayan, na ang ugnayan ng Pilipino at Tsino hindi lamang tungkol sa kalakalan. Sa panahon ng digmaan, may mga Filipino-Chinese na lumaban para sa bansa. Binanggit din ang pamana ng mga tulad ni Roman Ongpin, isang negosyanteng tumulong sa mga rebolusyonaryo noong panahon ng Kastila. Paalala ito na ang pagkakaisa ay may ugat sa sakripisyo at pakikibaka.
Sa isang panahon na may mga isyung geopolitikal at hindi pagkakaunawaan, nanawagan ang alkalde ng respeto sa isa’t isa, anoman ang lahi. Ang Maynila, aniya, dapat laging magbigay ng mainit na pagtanggap.
Ngunit higit sa simbolismo, may konkretong datos na inilatag: 104 porsiyentong pagtaas ng bagong rehistradong negosyo mula Enero 1 hanggang Pebrero 13 kumpara noong nakaraang taon. Dagdag pa ang 13 porsiyentong pagbaba ng krimen sa huling quarter at pagtaas ng case solution efficiency.
Ekonomiya at kaayusan, dalawang haligi na aniya’y kailangang pagsabayin.
Sa huli, ang mensahe simple nguni’t mabigat: “Let there be peace.” Kapayapaan sa tahanan, sa komunidad, sa lungsod, at sa mga karatig-bansa.
Sa pagpasok ng bagong taon, ayon sa kalendaryong Tsino, malinaw ang nais ipahiwatig ng pamahalaang lungsod—ang Maynila ay hindi lamang sentro ng kasaysayan, kundi tulay ng pagkakaibigan at oportunidad.
At sa panahon ng pagbabago, baka ito ang pinakamahalagang selebrasyon, ang pagpili sa pagkakaisa.
***
Sa ekonomiya, hindi nagsisinungaling ang numero. At kung pagbabatayan ang pinakahuling datos sa Maynila, malinaw ang mensahe: may kumpiyansa ang mga negosyante sa lungsod.
Sa ulat na iniharap kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, lumobo ng 106.48% ang mga bagong rehistradong negosyo hanggang Pebrero 15, 2026. Mula 602 noong nakaraang taon, naging 1,243 ito ngayong taon, mahigit doble, may dagdag na 641 aplikasyon.
Hindi ito simpleng pagtaas. Indikasyon ito ng desisyon. Ang bawat business permit, may katumbas na puhunan, may risk, may paniniwala na kikita at lalago. At kapag dumodoble ang bilang, may mas malalim na sinasabi ang merkado.
Mas mahalaga pa, 753 sa mga bagong permits ang bayad na, mas mataas kaysa 588 noong nakaraang taon. Ibig sabihin, hindi lang inquiry o papel ang nadagdagan. May aktuwal na naglabas ng pera.
Hindi rin nagpahuli ang renewals. Umakyat sa 49,051 ang processed renewals mula 47,886 noong 2025. Sa bilang na ito, 45,793 ang bayad na, katumbas ng 93.35% payment rate. Sa negosyo, ang pagre-renew tanda ng pananatili. Kapag nananatili ang mga negosyo, ibig sabihin may kita, may daloy, may dahilan para magpatuloy.
Kapansin-pansin din ang lingguhang galaw: libo-libo ang dagdag sa renewals at daan-daan ang nadagdag sa bagong aplikasyon sa loob lamang ng isang linggo. Ibig sabihin, hindi ito isolated spike, may momentum.
Ano ang ibig sabihin nito sa karaniwang Manileño? Mas maraming negosyo, mas maraming oportunidad sa trabaho. Mas maraming establisimyento, mas masiglang kalakalan. Mas mataas na compliance, mas matatag na kita para sa lungsod na maaaring ibalik sa serbisyo publiko.
Ngunit may kaakibat ding hamon. Ang paglago kailangang sustentuhan, sa maayos na sistema ng permits, mabilis na serbisyo, at tuloy-tuloy na kaayusan at seguridad. Sapagkat ang negosyo ay mabilis ding umalis kung mabagal ang proseso at magulo ang kapaligiran.
Sa ngayon, malinaw ang direksyon: ang datos, nagpapakita ng pag-angat. Ang tanong na lang ay kung mapananatili ang bilis.
Sa huli, ang 106% ay hindi lang porsyento. Sukatan ito ng tiwala. At sa ekonomiya, ang tiwala ang pinakamahalagang kapital.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
7
