TAAS-PASAHE SA JEEPNEY TINABLA NG MALACAÑANG

HINDI pa napapanahon ang hirit na taas-pasahe ng mga jeepney operator at driver sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na may umiiral nang provisional fare increase na P1.00, at base sa komputasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sapat pa ito upang masakop ang fuel cost ng jeepney.

Dagdag pa niya, ayon kay LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza III, mas nakatuon umano ang ilang grupo sa kampanya laban sa colorum kaysa sa agarang fare hike.

Kung magkakaroon man ng dagdag-pasahe, una umanong pag-uusapan ang para sa mga bus na wala pang provisional increase.

Samantala, pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang operasyon kontra colorum. Mula Pebrero 9 hanggang 11, 353 sasakyan ang nahuli, 107 ang na-impound at 246 ang isinailalim sa technical impoundment.

Nag-deploy din ang LTO ng K-9 units sa mga terminal at inilunsad ang Mobile Command Center para sa real-time traffic monitoring at plate verification.

Ayon kay Castro, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng “Bagong Pilipinas” upang unahin ang kaligtasan sa lansangan.

(CHRISTIAN DALE)

1

Related posts

Leave a Comment