HIGIT 200 NAGMARTSA SA GUMACA PARA KALAMPAGIN DPWH SA MAHARLIKA HIGHWAY AT BYPASS ROAD REHAB

NAGMARTSA ang nasa 200 mamamayan sa bayan ng Gumaca noong Miyerkoles, para kalampagin ang Department of Public Works and Highways – Quezon 4th District Engineering Office kaugnay sa lumalalang kondisyon ng Maharlika Highway at Gumaca Bypass Road.

Pinangunahan ng Gumaca Concerned Citizens Movement ang mapayapang rally na nagsimula sa katedral at nagtapos sa tanggapan ng DPWH sa Brgy. Panikihan, dala ang mga plakard na nananawagan ng ligtas at maayos na lansangan.

Ayon sa grupo, dumarami ang nangyayaring aksidente at nahihirapan ang mga sasakyan na magmaniobra lalo na sa bypass road na itinayo mula 2016 hanggang 2017, upang maibsan ang trapiko sa pangunahing daan.

Iginiit naman ni Gumaca Mayor Webster Letargo na karapatan ng bawat mamamayan ang magpahayag ng saloobin ngunit pinaalalahanan ang lahat na iwasan ang pamumulitika.

Nauna nang bumisita si DPWH Secretary Vince Dizon sa lalawigan at iniutos ang pagpapabilis ng rehabilitasyon ng Maharlika Highway, partikular sa bahagi ng poblacion.

Samantala, tiniyak ng Quezon 4th District Engineering Office na nakikipag-ugnayan na sila sa regional at national office ng DPWH para sa pangmatagalang solusyon sa mga problema sa kalsada.

(NILOU DEL CARMEN)

109

Related posts

Leave a Comment