HINIMOK ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang publiko na isumbong sa mga awtoridad ang mga gasolinahang maagang nagtataas ng presyo ng langis.
Kasabay nito, nanawagan naman si Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na higpitan ang pagbabantay sa mga retailer at oil companies.
Ito ay kasunod ng mga ulat na may ilang establisimyento ang nagtaas na ng pump prices bago ang nakatakdang price adjustment.
Iginiit ni Lacson na ang maagang pagtataas ng presyo ng langis ay paglabag sa Republic Act No. 8479 at Republic Act No. 7394.
Ayon kay Lacson, maaaring magsumbong ang mamamayan sa Philippine National Police o sa kani-kanilang local government units.
“Amid reports that some gasoline stations have already increased prices, they must be reported to authorities,” ani Lacson sa kanyang post sa X.
Binigyang-diin niya na ang pagiging mapagmatyag ng mga mamimili at ang agarang pag-uulat ng mga iregularidad ay makatutulong sa pagpapatupad ng batas at sa pagprotekta sa publiko laban sa mapagsamantalang pagpepresyo.
Samantala, iginiit ni Gatchalian na dapat higpitan ng DOE ang monitoring sa mga retailer.
Ayon sa senador, hindi dapat agad magtaas ng presyo ang mga gasolinahan dahil ang kanilang kasalukuyang stock ay nabili sa mas mababang presyo.
“Hindi sila puwedeng magtaas agad dahil ang hawak nilang stocks ay nabili sa mas mababang presyo. Dapat ibenta nila ito sa makatuwirang presyo,” ani Gatchalian, na vice chair ng Senate Committee on Energy.
Nauna nang sinabi ng DOE na may imbentaryo ang mga oil company na tumatagal ng humigit-kumulang 50 araw, kaya hindi dapat agad-agad magtaas ng pump prices ang mga ito.
Sa pinakahuling ulat, maaaring tumaas ang presyo ng kerosene ng P24.92 kada litro, diesel ng P19.62 kada litro, at gasolina ng P10.43 kada litro. Ang pinal na price movement ay inaasahang iaanunsyo ngayong Marso 9.
Babala vs hoarding, profiteering
Nagbabala naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa hoarding at profiteering na ginagamit upang manipulahin ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa Pangulo, patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan upang matiyak na walang mananamantala sa kasalukuyang sitwasyon.
“Patuloy na minomonitor ng pamahalaan ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan upang matiyak na walang mananamantala sa sitwasyon na ito,” pahayag ng Pangulo.
Nanawagan din siya sa mga negosyante at traders na huwag samantalahin ang krisis na dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Tiniyak din ng Pangulo na mamadaliin ng gobyerno ang pagbibigay ng cash assistance at fuel subsidy sa mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Sa isang video message, sinabi ni Marcos na magsasanib-pwersa ang national at local government upang matiyak na agad na makararating ang tulong sa mga nangangailangan.
“Ilalabas natin sa lalong madaling panahon ang fuel subsidy at cash transfer para sa mga apektadong sektor,” ayon sa Pangulo.
Aminado rin si Marcos na may kawalan ng katiyakan dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan at epekto nito sa global oil supply, ngunit nananatili siyang kumpiyansa na malalampasan ito ng bansa.
(DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)
141 