BISTADOR ni RUDY SIM
DISMAYADO ang ilang deboto at maging ang mga taong nagtungo sa ginanap na makasaysayang 100th centennial canonical coronation at grand procession ng Our Lady of Manaoag noong April 22 makaraang maging overacting di-umano ang naging security upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa naturang event.
Bago pa man isinagawa ang procession sa mahal na birhen ay hindi nakalimot si Pangulong Bongbong Marcos para sa koronasyon ni Apo Baket, kagaya na rin ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., noong unang panahon na matapos nakawin ng masasamang loob ang purong ginto na napalilibutan ng mamahaling hiyas na diamonds na korona ng birhen, ay pinalitan ito ng dating Pangulo.
Ang paghihigpit sa seguridad noong nagtungo ang Pangulong BBM kasama si First Lady Liza Araneta Marcos, sa ilang bahagi ng bayan ng Manaoag, maging sa Manaoag National High School open ground kung saan lumapag ang presidential helicopter, ay tama lamang para na rin sa proteksyon ng lider ng bansa. Pero ang higit na hindi maintindihan ng mga tao ay kung sino ang mataas na opisyal ng Manaoag ang nag-utos sa mga kapulisan, maging sa mga tanod, rescue units at maging sa kasundaluhan, na higpitan at harap-harapang harangan ang mga sibilyan na nais lamang manood ng prusisyon sa paglabas ng birhen.
Ayon sa ilang sumbong na ating natanggap, ilan sa mga tauhan umano ng lokal na pamahalaan ay naging power tripper na walang piniling bastusin, kahit ang senior citizens. Anyare, Mayor Ming Rosario? Aba eh, daig pa ang rally, kung ikaw man ang nag-utos sa napakahigpit na seguridad na ito… ano ang dahilan para maiwasan na mayroong masaktan? Ako ay sa Manaoag ipinanganak at nagkaroon ng isip pero wala akong natatandaan sa mga dating prusisyon kahit pa sa panahon ng aking Lolo na dati ring naging alkalde ng bayan ng Manaoag, na ganyan kahigpit sa mga tao na kulang na lamang ay maglagay kayo ng barbwire sa daraanan ng prusisyon. Kailan ba may nanggulo sa ganitong event na sa tingin ko, kahit demonyo ay irerespeto ang milagrosang birhen. Tila dinaig n’yo pa ang prusisyon ng Nazareno sa Quiapo at Sto. Niño ng Tondo, sa wala sa ayos na paghihigpit sa mga deboto.
Sa press release na inilabas ng local government, sinabing mapayapa at zero casualty ang naging malaking kaganapan at saludo tayo riyan pero para sa mga kupal at walang modo na mga tauhan ng lokal na pamahalaan na nambastos sa mga nagtungo sa event, ay maling-mali ang inyong inasal. ‘Yan ang mahirap, nagkaroon lamang kayo ng kaunting kapangyarihan ay umabuso na kayo. May ilan nga raw sa mga naging security ay humingi ng paumanhin sa mga tao dahil sila lamang ay napag-utusan? So, sino ang nag-utos? Ang ilan pa sa mga nambastos umano sa mga bisita ay nagsalita pa ng Pangasinan, sabay tawa na isang insulto at kabastusan. Disiplinahin mo mga Tao mo, Mayor Ming Rosario! Pero kahit paano ay binabati kita sa naging mapayapa at maayos na makasaysayang event.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
127 