Sa pagkasawi ng 5 PUPC sa QC road mishap VIDEO CONFERENCING SA HEARINGS PINAKOKONSIDERA

NANAWAGAN ang isang sektor na mas palawakin ang paggamit ng video conferencing sa mga pagdinig upang maiwasan ang pagbiyahe ng persons deprived of liberty kasunod ng aksidente kamakailan sa Quezon City kung saan nasawi ang limang bilanggo.

Paalala ni Atty. Ariel Inton, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) president, sa ilalim ng Memorandum Circular No. 02-2026 ng Korte Suprema hinggil sa “Adoption of Flexible Work Arrangements and Energy Conservation Measures,” pinahihintulutan ang mga hukuman na magsagawa ng video conferencing hearings.

Nakasaad din sa Guidelines on the Conduct of Videoconferencing (A.M. No. 24-11-02-SC) na ito ang “preferred mode” sa mga kasong may kinalaman sa persons deprived of liberty, kabilang ang arraignment, bail hearings, at iba pang pagdinig.

Ayon sa panuntunan, maaaring mag-utos ang hukuman na isagawa ang proceedings sa pamamagitan ng videoconferencing sa anomang yugto ng kaso upang matiyak ang mabilis, makatarungan, at hindi magastos na disposisyon ng mga kaso.

“Ano ang mga kasong hinaharap ng mga PUCP? Galing ba sila sa hearing ng kaso? Rehistrado ba ang sasakyan? Authorized driver ba ‘yun nagmamaneho? May sapat na budget ba para sa maintenance ng sasakyan at nagamit ba nang maayos?” bahagi ng komento ni Inton na naka-post sa kanyang Facebook account.

Binabalot aniya ng maraming katanungan ang pangyayari.

“Malaki ang maitutulong ng kautusan ng Korte Suprema para hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Dahil sa pagkasawi ng mga PUCP ay nawalan na rin sila ng hustisya,” saad pa ni Inton.

Nauna rito, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na limang Persons Under Police Custody (PUPC) ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon matapos ang isang vehicular accident sa Payatas Road, Barangay Payatas B, Quezon City, alas-11:30 ng umaga noong Biyernes, Abril 24.

Ayon sa PNP, sugatan din ang apat na police personnel na kasama sa sasakyan. Sa inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng PNP na patuloy ang imbestigasyon sa “circumstances surrounding the incident,” kabilang ang pagsusuri sa operational procedures at posibleng lapses upang matiyak ang accountability at maiwasan ang kaparehong insidente.

Samantala, naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng insidente.

Batay sa ulat, sakay ng sasakyan ang anim na PUPC at apat na PNP personnel na patungo sana sa Payatas City Jail nang bumangga ang police mobile sa isang pader sa kahabaan ng Payatas Road.

Ayon sa isang saksi, nawalan umano ng kontrol ang sasakyan bago ito sumampa at bumangga sa pader.

“Wala, gumewang na diyan papunta… tapos sumampa diyan tapos bumangga,” sabi ng saksi na nakapanayam ng media.

Dagdag pa ng isa pang nakasaksi, wala nang malay ang mga preso nang mailabas mula sa sasakyan.

“Paglabas namin, nakahilata na lahat… halos walang malay lahat, sir. Yung mga pulis lang may malay,” aniya.

Patuloy na iniimbestigahan ng Quezon City Police District (QCPD) ang sanhi ng aksidente, kabilang ang ulat na posibleng nawalan ng preno ang sasakyan.

Tiniyak naman ng Quezon City government na sasagutin nito ang gastusin sa pagpapagamot ng mga sugatan, gayundin ang funeral at burial services ng mga nasawi.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment