NALIMAS ang P81,500 sa GCash account ng isang sari-sari store owner nang mabiktima ng online scam sa Lipa City, Batangas.
Nangyari ang insidente noong Abril 16, bandang alas-9 ng gabi, nang magpa-cash in ang isang lalaki sa tindahan ng biktima.
Ayon sa biktima, sinabi ng suspek na magbabayad lamang ito ng parcel sa Lazada at nagpa-cash in ng halagang P540.
Ngunit makalipas nito, napansin na lamang ng biktima ang sunod-sunod na online transactions sa kanyang account hanggang sa tuluyang maubos ang laman nito na umabot sa P81,500.
Sa pahayag ng biktima, hinihiling niya ang tulong ng publiko upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, na aniya’y kumuha ng perang pinaghirapan nila.
Batay sa paunang impormasyon, posibleng gumamit ang suspek ng panlilinlang o social engineering upang makakuha ng access o pahintulot sa account ng biktima, na nagresulta sa sunod-sunod na online payments.
(NILOU DEL CARMEN)
101 