CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TILA sutil pa rin daw ang ilang appointed official ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ‘Yun bang hindi sumusunod sa adhikain ng administrasyon na matigil na ang katiwalian.
Eto, nagpupuyos ang mga taga South Cotabato dahil napupwersa umano ang mga electric cooperative na sumunod kung ano ang gustong ipagawa o paboran ng pamunuan ng National Electrification Administration o NEA.
Isa na rito ang akusasyon ng Bantay Kuryente Movement (BKM) na nakipagsabwatan umano ang South Cotabato II Electric Cooperative (SOCOTECO II) sa NEA officials upang paboran ang MORE Power (Ignite/MORE Power) na ito ang mangasiwa sa Cooperative Power Distribution.
Ayon kay BKM convenor Edmundo Cejar, may mga dokumento silang nagpapakita kung paano sinira ang legal na proseso ng pagpili ng partners at ito ay salungat sa batas.
Nakaharap din daw nila ang Board of Directors at may mga dokumento sila na nagsinungaling ang mga ito sa august body (City Council of Gen. Santos), kaya ang pagsampa ng kaso sa Ombudsman at sa regional trial court ay isang opsyon na tinitingnan nila sa ngayon.
Sinabi naman ni Atty. Virgilio Alconera, na kumakatawan sa pro-CDA conversion group gayundin ng mga bumubuo ng People’s Council of General Santos City, na magsasampa rin sila ng hiwalay na kasong conflict of interest laban sa NEA at kasong irregularities in the direct awarding process kontra SOCOTECO II Board of Directors.
Conflict of interest dahil kapatid daw ni NEA Administrator Antonio Mariano Almeda ay executive sa PRIMELECTRIC na part-owner ng Ignite/MORE Power group?
Kinakalampag din ng iba’t ibang civic organizations ang kawalan umano ng proper documentations sa mahigit na P1.8 bilyon disbursement, na ang halagang ito ay singil sa kuryente sa mga konsyumer.
Ipinaalala ng mga nagrereklamo na ang mandato ng mga opisyal ng NEA ay tagapangasiwa at mag-assist o tumulong sa usaping elektrisidad hindi ang magdikta sa mga electric coop.
Hindi natin hinuhusgahan si Administrator Almeda pero ang mga reklamo ay lehitimo kaya kailangan nilang magpaliwanag.
Malaking bagay kung mareresolba ang isyu at masisiguro ang maayos na daloy ng elektrisidad sa nasabing lokalidad.
94 