MATAPOS na mailathala sa pahayagang Saksi Ngayon, nagkaroon na ng pormal na pagpupulong si Mayor Arlene Arcillas ng Santa Rosa City, sa ilang kinatawan ng Villa Caceres Concerned Homeowners upang pakinggan ang kanilang mga hinaing kaugnay sa pamamalakad ng Villa Caceres Estate Homeowners Association.
Nauna rito, nagsumite ng liham ang nasabing grupo sa tanggapan ng alkalde na humihiling ng tulong upang obligahin ang kasalukuyang mga opisyal ng Villa Caceres Estate Homeowners Association na magpatawag ng isang General Assembly.
Layunin ng naturang pagpupulong na maipakita sa mga miyembro ang Audited Financial Statement ng asosasyon upang mabigyang-linaw ang dahilan ng panukalang mahigit 200 porsiyentong pagtaas ng buwanang association dues.
Sa naturang pulong, personal na pinakinggan ni Mayor Arcillas ang mga sumbong at alalahanin ng mga residente. Ayon sa alkalde, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang parehong panig na maipaliwanag ang kanilang posisyon upang magkaroon ng malinaw at patas na pagtalakay sa isyu.
Bilang tugon, nangako si Mayor Arcillas na agad niyang susulatan ang kasalukuyang Board of Trustees (B.O.T.) ng homeowners association upang hikayatin ang isang pagpupulong kung saan maipapahayag din ng mga opisyal ang kanilang panig sa usapin.
Dagdag pa ng alkalde, sisiguruhin ng pamahalaang lungsod ang seguridad ng subdivision at maisama ang mga kinatawan ng concerned homeowners sa lahat ng consultation meetings at maging sa posibleng pagdinig sa city council, sakaling umabot sa mas pormal na talakayan ang isyu hinggil sa pamamalakad ng homeowners association.
Ayon kay Mayor Arcillas, layunin ng lokal na pamahalaan na matiyak ang transparency, maayos na komunikasyon, at patas na proseso sa pagresolba ng mga usapin na may kinalaman sa kapakanan ng mga residente ng komunidad.
153 