GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
APAT na minuto. Iyan lang ang pagitan ng isang examinee at ng pagkakataong makapag-exam para sa Licensure Examination for Professional Teachers.
Sa Koronadal City, isang babae ang hindi pinapasok matapos siyang ma-late ng apat na minuto. Umiyak siya sa labas ng testing site at kumalat ang video sa social media. Dahil dito, marami ang naantig at nagtanong kung tama ba ang naging desisyon.
Madaling maawa kapag nakikita ang ganitong eksena. Narinig natin ang paliwanag niya.
Kailangan daw niyang magpa-print ng updated na Notice of Admission. May dala siyang lumang kopya kaya kinailangan niyang lumabas para ayusin ito. Ngunit pagbalik niya, hindi na siya pinapasok dahil lampas na siya sa itinakdang oras.
Sa puntong ito, natural lang na itanong kung dapat ba siyang pinagbigyan. Apat na minuto lang naman ang lumipas. May pangalan na siya sa listahan at may nakahandang upuan.
Para sa iba, sapat na iyon para bigyan siya ng pagkakataon.
Pero para sa akin, hindi iyon sapat na dahilan.
Hindi dahil kulang ako sa awa, kundi dahil may pamantayan na kailangang sundin. Ang licensure exam ay hindi basta ordinaryong pagsusulit. Isa itong proseso para matiyak na ang papasok sa propesyon ay handa sa responsibilidad. Kasama sa paghahandang iyon ang pagiging maingat sa oras at sa mga dokumento.
Bago pa dumating ang araw ng exam, malinaw na ang mga requirement. Kabilang dito ang tamang Notice of Admission. Ibig sabihin, inaasahan na ang bawat examinee ay darating na handa at hindi naghahabol. Ang mismong araw ng exam ay hindi na dapat panahon para mag-ayos ng kulang.
Mahalaga ring tingnan ang ibang examinees. Hindi lang siya ang kumuha ng exam noong araw na iyon. Marami ang dumating nang maaga at kumpleto ang papeles. Naglaan sila ng oras para tiyakin na walang magiging problema. Tahimik silang sumunod sa patakaran at pumasok sa tamang oras.
Kung pagbibigyan ang isa dahil sa apat na minutong pagka-late, paano na ang iba na sumunod sa lahat ng mga alituntunin? Hindi ba ito magiging patas sa kanila? Dito pumapasok ang mas malaking usapin ng fairness sa buong proseso.
May mga nagsasabi na dapat may konsiderasyon. Ngunit kailangang malinaw kung saan ito titigil. Kung papayagan ang apat na minuto, maaaring sumunod ang lima o sampu.
Kapag nangyari iyon, nagiging malabo ang patakaran at nawawala ang pare-parehong pagtrato sa lahat.
Hindi rin ibig sabihin nito na wala nang pag-asa ang examinee. May pagkakataon pa siyang kumuha muli ng exam. May susunod pang schedule na maaari niyang paghandaan nang mas maayos. Sa ganitong paraan, nabibigyan pa rin siya ng pagkakataon nang hindi nasisira ang sistema.
Masakit ang nangyari sa kanya at normal lang na makaramdam ng awa. Ngunit may mga sitwasyon na ang disiplina ang kailangang manaig. Hindi lahat ng pakiusap ay maaaring pagbigyan, lalo na kung ang nakataya ay ang tiwala sa proseso.
Ang apat na minuto ay hindi lang simpleng oras na nawala. Isa itong paalala kung gaano kahalaga ang pagiging handa sa mga pagkakataong hindi na maaaring ulitin sa mismong araw.
103 