PUBLIKO PINAG-IINGAT NG DOH LABAN SA PEKENG ANTI-RABIES VAX

PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa kumakalat na pekeng anti-rabies vaccine sa merkado.

Ito ay kasunod ng mga ulat na may mga bakuna laban sa kagat ng hayop na ibinebenta sa mas mataas o kahalintulad na presyo ng orihinal.

Ayon sa DOH, maaaring mapeke ang anomang gamot anoman ang brand kaya mahalagang suriing mabuti ang mga ito bago gamitin.

Payo ng mga namamahala sa Animal Bite Treatment Center (ABTC), tiyakin na ang bakuna ay may certificate of product registration at ang supplier ay may license to operate mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Maaari ring beripikahin ang listahan ng mga rehistradong rabies vaccine sa FDA verification portal.

Ilan sa mga senyales ng pekeng bakuna ang sirang seal, maling spelling, at malabong print sa label. Dapat ding tugma ang batch number, expiry date, at iba pang impormasyon sa primary at secondary packaging, kabilang ang eksaktong address ng kumpanya.

Paalala ng DOH, kapag nakagat ng hayop, magtungo lamang sa DOH-certified Animal Bite Treatment Center o Animal Bite Center (ABC) upang matiyak ang kalidad ng bakuna at serbisyo.

Kung makaranas ng side effects matapos mabakunahan, agad na magpatingin sa ABTC o ABC. Hinihikayat din ang publiko na iulat sa FDA ang anomang pinaghihinalaang pekeng bakuna.

(JULIET PACOT)

54

Related posts

Leave a Comment