CORPORATE RECORDS NI VP SARA, MISTER HININGI NG KAMARA SA SEC

INATASAN ng House Committee on Justice ang Securities and Exchange Commission (SEC) na isumite ang corporate records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings.

Sa subpoena na pirmado ni House Speaker Faustino Dy, pinadadalo si SEC Chairperson Atty. Francis Edralin Lim sa pagdinig sa Abril 14, 2026 sa House of Representatives.

Kabilang sa pinasusumiteng dokumento ang certified true copies ng General Information Sheets at audited financial statements ng mga kumpanyang nakapangalan sa mag-asawa.

Layunin ng hakbang na mapagtibay ang reklamo hinggil sa umano’y unexplained wealth laban kay Duterte.

Madriaga Pinadadalo

Hiniling din ng House Committee on Justice sa Manila Regional Trial Court na payagan si Ramil Madriaga na makadalo sa nakatakdang impeachment hearing laban kay Duterte sa Abril 14.

Sa liham sa korte, sinabi ng komite na mahalaga ang presensya ni Madriaga bilang key witness sa kaso.

Si Madriaga, na umaming “bagman” umano ng Bise Presidente, ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City kaugnay ng kinahaharap na kasong kidnapping.

Sa kanyang testimonya, inakusahan niya si Duterte na tumanggap umano ng pondo mula sa ilang drug dealers at Philippine Offshore Gaming Operators para sa kampanya noong nakaraang halalan.

Sara’s Court

Samantala, dismayado ang ilang mambabatas sa muling pag-apela ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang legalidad ng impeachment proceedings laban sa kanya.

Ayon kay House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, dapat harapin ni Duterte ang mga akusasyon sa halip na umiwas.

“Wala siyang karapatan na mag-aspire for a higher position kung hindi niya kayang tuparin ang kanyang constitutional mandate,” ani Cendaña.

Samantala, iginiit ni ML Party-list Rep. Leila de Lima na hindi dapat gamitin ang Korte Suprema bilang takbuhan upang iwasan ang pananagutan.

“Akala siguro nila ang SC ay ‘Sara’s Court’ na pwedeng takbuhan,” ani de Lima.

Para naman kay House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, walang nilabag ang Kamara sa proseso ng impeachment.

Ayon kay Ridon, ang pagdinig, pagpapalabas ng subpoena, at pangangalap ng ebidensya ay naaayon sa Konstitusyon at umiiral na mga patakaran.

Nauna nang naghain si Duterte ng 58-pahinang petition for certiorari at prohibition sa Korte Suprema upang ipawalang-bisa ang impeachment complaint, na aniya’y lumabag sa Konstitusyon, kabilang ang one-year ban rule at ang proseso ng pagsasampa ng reklamo.

(TINA MENDOZA)

72

Related posts

Leave a Comment