NADISKUBRE ang mahigit P16.7 milyong halaga ng cocaine sa baybayin ng Patnanungan, Quezon, dahilan para magsagawa ng malawakang imbestigasyon ang Quezon Provincial Police Office (QPPO).
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang alas-6 ng gabi nang makita ng isang concerned citizen ang tatlong plastic bag na may lamang puting crystalline substance sa Sitio Katakian Munti, Brgy. Busdak.
Agad itong ini-report sa mga awtoridad at sa isinagawang pagsusuri ng forensic unit, nakumpirma na ang laman ng mga pakete ay cocaine hydrochloride na isang high-value illegal drug.
Tumitimbang ang nakuhang ilegal na droga sa mahigit 3.1 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng P16,718,585.00.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director PCol. Romulo Albacea, patuloy ang kanilang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng kontrabando at ang mga posibleng sangkot dito.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa maritime units at intelligence operatives upang alamin kung bahagi ito ng mas malaking shipment o konektado sa international drug syndicates na gumagamit ng karagatan bilang ruta.
Tiniyak naman ng Quezon PPO na paiigtingin pa ang operasyon laban sa ilegal na droga sa lalawigan.
(NILOU DEL CARMEN)
112 