Nagbabala si Meralco Vice President at Head of Corporate Communications sa publiko laban sa hindi awtorisadong pagtanggal ng metro ng kuryente. Hinimok rin ni Zaldarriaga ang publiko na maging maingat sa mga indibidwal na nagpapanggap na taga-Meralco.
Nagsampa ng kasong kriminal ang Manila Electric Company (Meralco) laban sa mga indibidwal na sangkot sa hindi awtorisadong pagtanggal ng metro ng kuryente, na nakunan ng video at umani ng atensyon sa social media.
Naganap noong Abril 8, 2026 sa isang subdivision sa Rodriguez, Rizal ang insidente kung saan malinaw na nakunan ang isang lalaki na sapilitang tinatanggal ang metro ng kuryente ng isang residente. Wala ring ipinapakitang anumang patunay ng pagkakakilanlan o awtorisasyon ang naturang indibidwal.
Agad na rumesponde ang Meralco sa insidente at napag-alamang ang naturang indibidwal ay kumikilos ayon sa utos ng may-ari ng paupahan.
Pormal na rin na nagsampa ang Meralco ng kasong kriminal para sa Malicious Mischief sa Rizal Provincial Prosecution Office laban sa dalawang (2) indibidwal.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, agad na kumilos ang kumpanya para maibalik ang serbisyo ng kuryente ng customer at nagsagawa ng imbestigasyon.
“Nais naming muling bigyang-diin na ang mga metro ng kuryente ay pag-aari ng Meralco at ang anumang hindi awtorisadong pagtanggal o pagsira nito ay labag sa batas at may kaukulang pananagutan,” ani Zaldarriaga.
Hinimok ni Zaldarriaga ang publiko na maging maingat sa mga indibidwal na nagpapanggap na taga Meralco.
“Muli naming pinaaalalahanan ang publiko na lahat na ang mga lehitimong empleyado at contractor ng Meralco ay naka-uniporme at may ID, may dalang opisyal na field order, at gumagamit ng mga sasakyang may malinaw na pagkakakilanlan,” dagdag ni Zaldarriaga.
“Nananawagan rin kami na agad na i-report sa amin at sa mga kinauukulan ang mga ganitong ilegal na gawain. Patuloy kaming makikipagtulungan sa mga awtoridad para matugunan ang mga iligal na aktibidad at maprotektahan ang kapakanan ng aming mga customer.”
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
106 