2 TIMBOG SA ‘PAIHI’ NG DIESEL SA RIZAL

KULUNGAN ang kinahantungan ng dalawang katao matapos mahuli sa umano’y ilegal na operasyon ng “paihi” ng diesel sa San Mateo, Rizal nitong Huwebes.

Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (HPG) Spokesperson PLT Nadame Malang na nadakip ang mga suspek habang nagsasagawa ng inspeksyon ang HPG sa bahagi ng C6 Road.

Nakuha ang atensyon ng mga operatiba sa isang van na sira ang ilaw at may tumatagas na diesel. Nang sitahin ang driver, wala itong maipakitang lisensya at dokumento ng sasakyan.

Sa follow-up operation, natunton ng mga pulis ang isang storage compound na pinagmulan ng van, kung saan nadiskubreng ginagamit umano sa ilegal na fuel operations.

Napag-alaman na ang naturang compound ay nagsisilbing drop-off at pick-up point ng mga fuel tanker.

Sa kabuuan, aabot sa 15,000 litro ng undocumented diesel na nagkakahalaga ng halos P2 milyon ang nakumpiska.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Batasang Pambansa Blg. 33 at Republic Act 4136.

(TOTO NABAJA)

106

Related posts

Leave a Comment