NASAWI ang pinaniniwalaang lider ng Magsanoc criminal group habang dalawa nitong tauhan ang naaresto sa hot pursuit operation ng pulisya sa Isabela.
Nag-ugat ang operasyon sa isang shooting incident sa Purok 6, Brgy. Calinaoan Sur, Delfin Albano kung saan binaril ang isang magsasaka na kinilalang alyas “Fernando,” na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungong hilagang bahagi ng Sto. Tomas, Isabela.
Agad rumesponde ang Delfin Albano Municipal Police Station sa pangunguna ni PMaj. Glanert Cabeliza, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.
Natunton ang mga suspek sa Brgy. Barunbun, Sto. Tomas kung saan nauwi sa engkwentro na ikinasawi ni Nicolas Domingo Magsanoc, lider ng grupo at kabilang sa drug watchlist ng mga awtoridad.
Naaresto naman ang dalawang kasamahan nito na kinilalang sina alyas “Jojo,” isang High-Value Individual, at alyas “Rogelio.”
Ayon kay PCol. Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, naging susi sa operasyon ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba na nagresulta sa pagkakabuwag ng natitirang pwersa ng grupo sa lalawigan.
(JESSE RUIZ)
113 