PINAGTIBAY ng Korte Suprema en banc na isang taon lamang ang prescriptive period ng cyberlibel, na bibilangin mula sa petsa ng pagkakadiskubre ng krimen.
Sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ibinasura ng Korte Suprema ang magkahiwalay na mosyon para sa reconsideration na inihain nina Berteni Cataluña Causing at ng Office of the Solicitor General (OSG).
Nag-ugat ang kaso sa reklamong cyberlibel na isinampa noong 2020 ni Cotabato Second District Representative Ferdinand L. Hernandez laban kay Causing kaugnay ng mga Facebook post noong 2019.
Nilinaw ng Korte Suprema na ang cyberlibel ay hindi hiwalay na krimen kundi isang anyo lamang ng libel na ginawa gamit ang computer system, kaya nananatiling isang taon ang prescriptive period alinsunod sa Revised Penal Code.
Iginiit din ng hukuman na nagsisimula ang bilang ng prescriptive period mula sa pagkakadiskubre ng krimen at hindi sa petsa ng publikasyon.
Binigyang-diin pa na kung hindi malinaw ang batas sa prescription ng krimen, dapat itong bigyang-kahulugan pabor sa akusado.
Tinanggihan din ng Korte Suprema ang argumento na dapat umabot sa 15 taon ang prescriptive period ng cyberlibel sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act, at iginiit na hindi ito awtomatikong naaangkop.
Samantala, nagpahayag ng kagalakan si Causing sa naging resolusyon, at tinawag itong mahalagang tagumpay para sa kalayaan sa pagpapahayag sa parehong mainstream at social media.
(JULIET PACOT)
114 