BUS BUMULUSOK SA BANGIN; 2 PATAY, 35 SUGATAN

DALAWANG lalaki ang nasawi habang 35 iba pa ang masugatan nang bumulusok sa malalim na bangin ang isang passenger bus sa bayan ng Pagbilao, sa lalawigan ng Quezon, ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon sa ulat, Lunes ng gabi nang biglang bumulusok ang passenger bus sa mahigit 30 talampakang lalim ng bangin na ikinasawi nina alyas “Sonny,” 34-anyos, ng Mercedes, Camarines Norte, at “Ian,” 31-taong gulang, ng Jose Panganiban, Camarines Norte.

Kapwa idineklarang dead on arrival sa Quezon Medical Center (QMC) ang dalawang nasawi.

Nagmula ang naaksidenteng DLTB bus na minamaneho ng 54-anyos na si “Noel,” sa Daet, Camarines Norte, at patungo sa Metro Manila nang mangyari ang sakuna bandang alas-8:00 ng gabi.

Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat, tinatahak ng bus ang kurbadang bahagi ng diversion road sa Barangay Silangang Malicboy nang pumalya ang preno nito hanggang sa tuluyang mawala sa kontrol ng driver at lumihis sa kalsada at nagtuloy-tuloy sa bangin.

Isinugod ang mga pasahero sa dalawang ospital sa Lucena City dahil sa mga sugat nang tumilapon sila sa harapang bahagi ng bus.

Walo ang nilalapatan ng lunas sa MMG Hospital, habang ang iba pa ay nasa QMC.

May sakay na 41 passengers ang nasabing bus kabilang ang second driver at conductor. Dalawa sa mga pasahero ay lumipat sa ibang bus habang nauna namang bumaba ang dalawang iba pa bago mangyari ang sakuna.

Nakahanda naman umanong sagutin ng kumpanya ng bus ang gastos sa ospital ng mga biktima.

(JESSE RUIZ)

106

Related posts

Leave a Comment