ILEGAL NA SUGAL LAGANAP SA SAN PEDRO, LAGUNA; HEPE NG PULISYA TIKOM

LAGUNA– Patuloy at talamak pa rin umano ang operasyon ng ilegal na sugal sa San Pedro, Laguna sa kabila nang mahigpit na kautusan ng Philippine National Police (PNP) laban sa lahat ng uri ng ilegal na pasugalan.

Isang aktibong bookies operation sa ilalim ng isang JC Sicot ang sinasabing nagpapatuloy sa lungsod at may sapat umanong pondo upang manatiling tumatakbo sa kabila ng mga direktiba sa pambansang antas na sugpuin ang illegal gambling.

Ayon sa ulat, may mga alegasyon ng proteksyon mula sa loob ng lokal na hanay ng pulisya na sinasabing dahilan kung bakit hindi naaantala at hindi napapatigil ang naturang operasyon.

Itinuturo ang hepe ng pulisya sa San Pedro bilang umano’y protector ng naturang ilegal na aktibidad dahil sa kawalan ng aksiyon ng kanyang kapulisan laban sa mga bookies ng ilegal na sugal sa kanyang nasasakupan.

Pinagdududahang totoo ang mga pahayag ng ilang pulis sa nasabing lungsod na ang kanilang hepe ay ‘untouchable’ dahil dati na itong na-relieve sa pwesto ngunit naibalik sa tungkulin makalipas lamang ang isang linggo.

Lumalabas sa reklamong ipinarating sa pambansang himpilan ng pulisya sa Camp Crame na mayroon ding financier ng operasyon na iniuugnay sa pamilya ng isang mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan, bagay na nagdulot ng hinala ng posibleng impluwensiyang pulitikal.

Nauna nang ipinatupad ng PNP at ni Police Brigadier General Hansel M. Marantan ang istriktong kautusan na alisin at tuluyang wakasan ang anomang uri ng ilegal na sugal sa buong Pilipinas.

Sa ngayon, wala pang pormal na pahayag mula sa hepe ng pulisya ng San Pedro hinggil sa mga alegasyon. Nanawagan naman ang publiko para sa isang makatarungang imbestigasyon, paglilinaw mula sa pamunuan ng PNP, at pananagutan ng mga lokal na opisyal.

124

Related posts

Leave a Comment