BATANG BABAE PATAY SA POLICE OPERATION

south cotabato

NAPATAY ang isang 12-anyos na batang babae sa gitna ng isinasagawang law enforcement operation ng pulisya nang nauwi sa ito palitan ng putok sa Barangay Labangal, General Santos City.

Ayon sa ulat, isinisilbi ng pulisya ang warrant of arrest sa suspek sa loob ng isang bahay sa Purok Pandian noong Sabado nang bigla umanong magpaputok ang lalaking pakay ng kanilang law enforcement operation.

Ayon sa ulat, nagpatuloy umano ang palitan ng putok sa loob ng residential area sa kabila ng panawagan ng mga residente na tumigil na dahil may mga bata sa lugar.

Natigil lamang umano ang palitan ng putok nang tamaan ang suspek na isang 42-anyos na mekaniko at idineklarang dead on the spot.

Sa kabila nito, natagpuan naman ang 12-anyos na batang babae sa ilalim ng kama ng isang kalapit na bahay, na may tama rin ng bala ng baril na pinaniniwalaang mula sa kalibre .45 na baril ng suspek.

Ayon sa lola ng biktima, nagtago sa ilalim ng kama ang Grade 4 student kasama ang iba pang mga bata nang tamaan ito sa ulo na tumagos sa leeg nito.

Sinabi naman ng General Santos City Police, sinisiguro nito ang kaligtasan ng mga residente sa mga operasyon.

Iimbestigahan kung nagsagawa ng due diligence ang mga awtoridad sa pagprotekta sa mga sibilyan lalo na’t nangyari ang insidente sa isang residential area.

Samantala, isinuko na ng tatlong nagrespondeng pulis ang kanilang mga armas para sa forensic examination.

Lumitaw naman sa inisyal na findings ng Police Regional Office 12 na ang balang tumama sa biktima ay posibleng mula sa armas ng suspek batay sa trajectory nito.

Naglunsad na ng motu propio investigation ang Philippine National Police Internal Affairs Service para matukoy kung may kakulangan sa bahagi ng nagrespondeng mga pulis.

Nakikipag-ugnayan na ang Commission on Human Rights sa National Bureau of Investigation para masiguro ang impartial ballistic examination.

(JESSE RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment