P340K SHABU NASAMSAM, HVT PATAY SA BUY-BUST

TINATAYANG aabot sa P340,000 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency na ikinamatay ng isang high value target nang mauwi sa shootout ang isinagawang anti-narcotics operation sa Barangay Simsiman, Pahamudin, Special Geographic Area (SGA), BARMM.

Ayon sa ulat, nagkasa ng anti-illegal drug operation ang PDEA–BARMM katuwang ang local law enforcement units, subalit nauwi ito sa pagkamatay ng kanilang target nang matunugan na binibitag siya ng mga awtoridad.

Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at 33rd Infantry Battalion, Philippine Army, ang 50 gramo ng umano’y shabu na may street value na aabot sa P340,000.00.

Bukod sa droga, nasamsam din ng mga awtoridad ang isang caliber .45 pistol na may bala, mga basyo, mobile phone, buy-bust money, at driver’s license ng suspek.

Kinilala ang target ng operasyon na si alyas “Nhadz,” 28-anyos, ng Barangay Benasing, Pigcawayan, North Cotabato, at sinasabing responsable sa pagpapakalat ng illegal drugs sa kalapit na mga bayan sakop ng Special Geographic Area (SGA), Maguindanao del Norte, hanggang North Cotabato.

Idineklarang dead on arrival ng attending physician ang suspek sanhi ng mga tama ng punglo sa katawan.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment