P6.7-B ‘RED FLAG’ TRANSACTIONS NG MAG-ASAWANG VP SARA AT MANS CARPIO INIULAT NG AMLC

INIULAT ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umabot sa P6.77 bilyon ang halaga ng “covered” at “suspicious” bank transactions na may kaugnayan kay VP Sara Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.

Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura na may mga transaksyong may “red flags” na naitala sa kanilang database.

Ayon sa datos, 313 covered at 17 suspicious transactions ang naitala sa accounts ni Duterte, habang 317 covered at 16 suspicious transactions naman kay Carpio.

Sa kabuuan, P3.77 bilyon ang iniuugnay sa accounts ni Duterte at P2.99 bilyon kay Carpio.

Ipinakita rin na umabot sa P4.43 bilyon ang kabuuang deposito, habang ang withdrawals ay nasa P1.21 bilyon para kay Duterte at P343.32 milyon para kay Carpio.

Mayroon ding P791.1 milyon na halaga ng transaksyon na hindi malinaw ang pinagmulan batay sa available records.

Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua na hindi umano naideklara ang mga naturang transaksyon sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente.

Ipinunto rin ni Rep. Terry Ridon ang umano’y agwat sa pagitan ng dami ng transaksyon at ng idineklarang net worth.

Nilinaw ng AMLC na ang “covered transactions” ay yaong mga lampas ₱500,000 kada araw na awtomatikong nire-report, habang ang “suspicious transactions” ay may indikasyon ng posibleng iregularidad.

(TINA MENDOZA)

75

Related posts

Leave a Comment