PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI na napigilan ni dating House of Representatives Speaker Martin Romualdez ang sarili na lumabas at nagsalita na hindi siya ang mastermind sa korupsyon sa pondo ng pamahalaan, tulad ng sinasabi ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Ayon sa kanya, sa Tacloban na kanyang Distrito ay wala siyang ipinatupad na flood control projects na masasabing maanomalya.
Sinabi pa niya na hindi siya miyembro ng Small Committee ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagdedesisyon sa pondo ng gobyerno.
Sa halip ay itinuro niya sina Zaldy Co at dating Senate President Chiz Escudero na may kinalaman sa budget deliberation ng pamahalaan.
Itinuro pa niya na ang may command responsibility sa pondo ng gobyerno ay ang executive department na pinamumunuan ng kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
May mga nagsasabi na ang dahilan ng paglabas ni Romualdez ay ang lumabas na balita na naaresto na si Zaldy Co sa Czech Republic.
Nauna nang naglabas ng part 1 hanggang part 6 videos si Zaldy Co na naglalahad na ang magpinsan na sina PBBM at Romualdez ang mastermind sa korupsyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Co na male-maletang pera ang kanyang inihahatid kina PBBM at Romualdez.
Ang sinabi ni Zaldy Co ay kinumpirma ni dating Master Sgt. Orly Guteza na naghahatid din umano ng male-maletang pera kina PBBM at Romualdez.
Sa paglantad ng 18 dating mga sundalo ay sinabi rin ng mga ito na nag-deliver sila ng male-maletang pera kina PBBM, Romualdez, mga senador, kongresista at iba pang mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng administrasyon ni PBBM.
Imbes na ipatawag ang mga idinadawit sa korupsyon ay ipinangako lamang ni PBBM na bago mag-Pasko noong 2025, ay marami ang makukulong sa malalaking mga pangalan na sabit sa flood control anomalies.
Nakalipas na ang Dec. 2025 ngunit hanggang ngayon, April 22, 2026 na, ay wala pang nakukulong sa mga opisyal na sangkot sa anomalya, taliwas sa ipinangako ni PBBM.
May mga nakulong lamang ay si dating Senator Bong Revilla, DPWH engineers at ilang private contractors.
Ngayon, sa paglantad ni Speaker Romualdez, itinanggi niya na siya ang mastermind sa korupsyon, sa halip ay pinangalanan niya sina Zaldy Co at Escudero.
Itinuro rin niya na ang executive department na pinamumunuan ni PBBM, ang may command responsibility sa usapin ng paglalabas ng pondo ng gobyerno na pinagmulan ng korupsyon.
Ito na ba ang panahon na ang dating magkakampi na sina Zaldy Co, Martin Romualdez at PBBM ay maglalaglagan na?
Abangan natin ang pagbabalik ni Zaldy Co!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com
54 