OFWs at BOC nagsanib-puwersa KASONG KRIMINAL VS MAPANLINLANG NA FREIGHT FORWARDERS

NAGSANIB-PUWERSA ang overseas Filipino workers at Bureau of Customs para sa mas pinalakas na kasong kriminal laban sa mga mapanlinlang na freight forwarders.

Isang hakbang ito para mas mapatibay at mapalakas ang mga kasong kriminal na naunang isinampa laban sa Makati Express Cargo, matapos magsumite ng karagdagang reklamo ang mas maraming apektadong OFWs kaugnay ng parehong isyu.

Ang reklamong inihain sa National Bureau of Investigation (NBI) Fraud and Financial Crimes Division, ay para sa large-scale estafa through cyber laban sa Makati Express Cargo.

Matapos ang unang mga reklamong inihain, agad nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI Fraud and Financial Crimes Division.

Batay sa kanilang beripikasyon, pinuntahan ang mga rehistradong address ng kumpanya at napag-alamang wala na itong gumaganang opisina mula pa noong 2023. Lumitaw rin ang mga indikasyon ng panloloko batay sa isinagawang pagsusuri.

Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para protektahan ang kapakanan ng OFWs, pormal na nagsampa ng kasong kriminal ang karagdagang apektadong OFWs, sa tulong ng BOC, sa NBI noong ng Abril 20, 2026 laban sa Makati Express Cargo kaugnay ng hindi pagdating ng ilang balikbayan boxes at ng labis na pagkaantala o matagal na pagkakatengga ng iba pang mga padala.

Ang pagdagdag ng complainants ay lalo pang nagpatibay at nagpalawak sa saklaw ng kasong isinampa laban sa mga sangkot.

Sa ilalim ng direktiba ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, sinuportahan ng BOC ang paghahain ng mga bagong kaso bilang bahagi ng patuloy nitong aksyon upang papanagutin ang mga sangkot at matulungan ang mga biktima. Kaakibat ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang proteksyon sa mga OFW at sugpuin ang panlilinlang laban sa kanila.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang koordinasyon ng BOC sa logistics partners para sa paghahatid ng mga naabandonang balikbayan boxes sa mga may-ari, upang matiyak ang mas maayos at mas mabilis na distribusyon.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, “Mahigpit ang aming babala sa mga nananamantala sa ating mga OFW at pananagutin namin ang mga ito. Kakampi ninyo ang BOC sa laban na ito.”

Sa kasalukuyan, umabot na sa 19 OFWs at kanilang pamilya ang nagsampa ng criminal complaints laban sa freight forwarder kaugnay ng parehong isyu, at patuloy itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Samantala, ang BOC ay magsasampa ng hiwalay na mga kaso laban sa mga sangkot upang panagutin ang mga ito sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment