SUPORTADO nina Senador Alan Peter Cayetano at Taguig City Mayor Lani Cayetano ang isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa mga proyektong nakuha ng kontratistang Discaya sa lungsod ng Taguig.
Ayon sa mag-asawang Cayetano, dapat managot ang sinomang mapatutunayang sangkot sa anomalya at korupsiyon, at wala silang planong kunsintihin ang anomang pang-aabuso sa kaban ng bayan.
Nagpasalamat din ang mga opisyal sa pagbisita ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na nagsagawa ng inspeksyon sa mga proyektong napanalunan ng mga kumpanya ng pamilya Discaya.
Sinabi ni Dizon na matapos masangkot ang mga ito sa umano’y maanomalyang flood control projects at mapawalang-bisa ang kanilang mga permit at lisensya, agad na inako ng DPWH ang mga proyekto. Isasailalim aniya ang mga ito sa panibagong bidding, kasama ang paglalaan ng karagdagang pondo, hindi lamang sa Taguig kundi sa iba pang bahagi ng bansa kung saan may hawak na proyekto ang nasabing mga kumpanya.
Nilinaw rin ni Dizon na walang kinalaman ang mag-asawang Cayetano sa bidding process ng mga proyekto sa Taguig, dahil ang DPWH ang nagsagawa nito noong 2020.
Ayon pa sa kalihim, ang kanyang pagbisita sa Taguig ay bahagi ng direktiba ng Pangulo na inspeksyunin ang lahat ng proyekto ng pamahalaan na napunta sa mga kumpanya ng Discaya. Aniya, nagsagawa rin siya ng inspeksyon sa iba pang lungsod.
Kabilang sa ininspeksyon ang isang itinatayong multi-purpose building na may kasamang Olympic-size swimming pool, na kalaunan ay gagawing Hall of Justice ng lungsod.
Samantala, sinabi ni Mayor Cayetano na tungkulin ng mga lokal na opisyal ang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga programa at proyektong ipinatutupad ng pambansang pamahalaan.
Ipinagmalaki naman ni Senador Cayetano na wala umanong “ghost projects” sa Taguig.
Dagdag pa ni Mayor Cayetano, nakikinabang ang publiko sa mga proyekto ng lungsod, hindi lamang ang mga residente ng Taguig kundi maging ang mga karatig-lugar. Isa aniya sa halimbawa ang TLC Lake Shores, na dinarayo ng maraming mamamayan tuwing Disyembre.
Handa rin umanong makipagtulungan ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa DPWH upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto.
65 