MAYNILA, Pilipinas — Muling pinagtibay ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang suporta nito sa mga empleyado kasabay ng paggunita sa Araw ng Manggagawa, at inilatag ang mga hakbang upang tugunan ang mga pangunahing isyu ng kanilang workforce.
Ayon sa pamunuan, nakasalalay sa dedikasyon ng mga kawani—mula sa mga kartero na umaabot sa malalayong lugar, hanggang sa mga mail sorter, postal worker, at empleyado sa opisina—ang matagumpay na operasyon ng ahensya.
“Para sa amin, ang kapakanan ng empleyado ay hindi lang tungkol sa mga programa. Ito ay tungkol sa pag-aalaga sa mga taong araw-araw nagpapatakbo ng PHLPost,” ayon sa Office of the Postmaster General.
Kabilang sa mga hakbang ang libreng medical check-up, health seminars, at pag-institutionalize ng sportsfest para sa kalusugan at pagkakaisa ng mga empleyado.
Para sa mga kartero, magbibigay ang PHLPost ng raincoat at boots bago ang tag-ulan.
“Hindi biro ang mag-deliver sa ulan—basa, madulas, at delikado ang daan. Simpleng bagay man, malaking tulong ito sa araw-araw nilang trabaho,” ayon sa ahensya.
Patuloy din ang area-wide trainings, kabilang ang isinagawa sa Northwest Luzon na nakatuon sa customer service at leave policies.
Kinilala ng PHLPost na umiikot sa tatlong pangunahing isyu ang mga hinaing ng empleyado: gasoline allowance, CNA incentive, at promosyon.
“Mahahalagang usapin ito at seryoso naming tinutugunan. Matagal na rin naming inaaksyunan ang mga ito,” paliwanag ng ahensya.
Sa usapin ng gasoline allowance, kinilala ng pamunuan ang sakripisyo ng mga kartero, lalo na ang paggamit ng sariling motorsiklo sa paghahatid ng sulat at parsela.
Ayon sa PHLPost, nagkaroon ng aberya sa implementasyon ngunit naresolba na ito at nailabas na ang allowance.
CNA, tuloy ang usapan
Para sa Collective Negotiating Agreement (CNA) incentive, iginiit ng ahensya na sinusuportahan nila ang pagbibigay nito alinsunod sa umiiral na guidelines ng pamahalaan.
Gayunman, may mga kondisyong kailangan pang matugunan.
“May mga requirements nang nakumpleto, pero may ilan pa na kailangang masusing pag-aralan. Tuloy ang pakikipag-usap namin sa unyon para sa patas at pangmatagalang solusyon,” dagdag ng pamunuan.
Promosyon batay sa kwalipikasyon
Sa promosyon, sinabi ng PHLPost na nagsimula na ang paggalaw sa loob ng organisasyon.
Noong nakaraang Nobyembre, na-regular ang 83 Contract of Service workers, at patuloy ang pagbubukas ng mga posisyon sa iba’t ibang antas, partikular sa operations.
“Malinaw sa amin na ang appointment ay batay sa kwalipikasyon, hindi sa koneksyon,” diin ng ahensya.
Komunikasyon, palalakasin
Inamin ng PHLPost na isa sa mga hamon ay ang kakulangan sa maayos na daloy ng impormasyon sa loob ng organisasyon.
“May progreso, pero kung hindi ito nararamdaman o nalalaman ng lahat, kulang pa rin. Kaya pinapalakas namin ang komunikasyon para mas malinaw, mas mabilis, at mas consistent ang updates sa lahat ng empleyado,” ayon sa pahayag.
Binigyang-diin ng pamunuan na nakabatay sa respeto at aksyon ang kanilang approach.
“Sa PHLPost, simple ang prinsipyo namin: respeto sa oras, respeto sa boses ng bawat empleyado, at aksyon sa kanilang concerns. Hindi sapat ang makinig lang—kailangan may kasunod na aksyon,” ayon sa Office of the Postmaster General.
Sa huli, tiniyak ng pamunuan ang patuloy na pakikipagtulungan sa kanilang mga empleyado.
“Naririnig namin kayo. Kumikilos kami. At patuloy tayong magtutulungan para maresolba ang mga isyung ito. Magkakasama tayo dito,” pahayag nito.
83 