TAMA PALA SI CHIZ SA ‘FORTHWITH’

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SENTRO ngayon ng diskusyon ang naging desisyon ng Korte Suprema sa terminong “forthwith” na nakasaad sa Saligang Batas pagdating sa impeachment. Ayon sa SC, ang “forthwith” ay hindi nangangahulugan ng kagyat o “immediate” na aksyon. Sa halip, “within a reasonable time” na maaaring humaba o umikli base sa diskresyon ng Senado at sa sirkumstansya ng bawat kaso.

Dito natin naalala ang mga batikos at pagkontra kay Senator Francis “Chiz” Escudero noong siya ang Senate President. Tinawag siyang obstructionist at inakusahan pang pinoprotektahan umano ang mga dapat managot dahil sa kanyang pagtutok sa tamang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ngayon, malinaw na ang naging direksyon ng usapin dahil mismong Korte Suprema na ang nagbigay ng kahulugan ng pinagdebatehang salita.

Paalala ng SC, ang impeachment ay hindi maaaring gawin nang padalus-dalos dahil lamang sa political pressure.

Ito rin ang matagal nang pinaninindigan ni Escudero. Hindi pwedeng madaliin ang proseso o i-railroad ang impeachment tulad ng ginawa sa ilalim ni dating House Speaker Martin Romualdez. Walang shortcut sa ganitong seryosong usapin.

Hindi rin dapat gamitin ang impeachment bilang kasangkapan sa pulitika. Ito ay may mga proteksyon na inilaan ng Saligang Batas.

Ipinakikita rito na ang naging hakbang ni Escudero noon ay nakaangkla sa batas. Paulit-ulit niyang sinabi na hindi dapat maimpluwensyahan ng ingay sa lansangan, pressure sa social media, o kagustuhan ng ilang grupo ang direksyon ng impeachment. Hindi ito dapat gamitin para sa pansariling layunin.

Pero heto, napansin n’yo rin ba na habang lumalakas ang usapan tungkol sa kanyang pagbabalik bilang Senate President, dumarami rin ang mga pag-atake laban kay Escudero?

May mga isyung bumabalik at mayroon ding bigla na lang lumalabas. Nariyan ang petition sa Supreme Court tungkol sa campaign donation na matagal nang ibinasura ng Commission on Elections. Pati ang Ombudsman ay idinadawit ang kanyang pangalan sa isang kaso.

Nagkataon lang ba ito? O may mas malalim na dahilan upang pigilan ang kanyang pagbabalik bilang Senate President? O, bahagi ito ng pagsira sa kanyang pangalan para sa 2028 presidential elections?

Hindi mahirap makita kung bakit may mga nag-aalala sa posibilidad na muli siyang mamuno sa Senado. Kilala si Escudero na hindi papayag na gawing rubber stamp ang Senado. Hindi niya hahayaang maging extension ito ng kapangyarihan ng sinoman. Hindi rin niya papayagan na gamitin ang impeachment bilang sandata sa pulitika.

Kung sakaling may bagong impeachment complaint na umakyat sa Senado, alam na natin ngayon kung ano ang aasahan natin sa kanya. Pantay na pagtingin, mahigpit na pagsunod sa batas, at pagprotekta sa kredibilidad ng institusyon.

137

Related posts

Leave a Comment