OPERASYON NG NBI SA SENADO MAY BASBAS NI SOTTO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SINISISI ngayon kay dating Senate President Tito Sotto ang kaguluhan sa pagbubukas ng Senado noong Lunes.

Batid daw kasi ng pinatalsik na Senate leader ang ‘operasyon’ ng National Bureau of Investigation (NBI) bago pa man nangyari ang mga eksena sa pagbabalik ni Sen. Bato dela Rosa.

Ayon sa ilang insiders, Lunes pa lang ay nabalot na ng kaguluhan ang upper chamber, kasama ang mga opisyal at empleyado nito. Hindi raw dahil sa ‘coup’ na nagluklok kay Senator Alan Peter Cayetano kapalit ni Sotto bilang Senate President kundi dahil sa naging pagtrato ng huli sa Senado bilang isang institusyon.

Heto pa ang kwento. Noong weekend, napansin na raw ni Sotto na nanganganib ang kanyang pananatili bilang SP. Bukod sa pangangalap ng suporta mula sa kanyang mga kaalyado, humingi rin siya ng tulong sa mga nasa labas ng Senado. Alam niyang darating si Senator Bato dela Rosa upang bumoto para sa susunod na Senate leader. Kumbaga si Bato ang kukumpleto sa piyesa para mabuo ang pagpapalit ng liderato kaya mahalaga ang kanyang presensya.

Ngunit sa pagnanais na mapigilan ito, nakipag-ugnayan umano si Sotto sa NBI at kay ex-Senator Sonny Trillanes upang abangan si dela Rosa at hulihin sa pagdating niya sa plenaryo.

Si Sotto rin ang nagbigay ng pahintulot sa Sergeant-at-Arms ng Senado upang tumulong sa NBI sa pag-aresto kay dela Rosa. Pinahintulutan din niyang manatili si Trillanes sa kanyang opisina kasama na raw ang pagpapakain sa 15 NBI agents. Kalaunan, inabisuhan niya ang mga ito na maglagay ng mga tauhan sa bawat palapag ng Senado upang bantayan si dela Rosa.

Sa isang media interview, sinabi ni Senate President Cayetano na kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na may pahintulot ni Sotto ang pagpasok ng mga NBI agent sa Senado.

Matagal nang bahagi ng Senado ang inter-parliamentary courtesy, isang kaugalian ng paggalang sa kapwa mambabatas at sa mismong institusyon. Gayunman, tila hindi ito nabigyan ng halaga ni Sotto, kasama na ang mga tanong sa legalidad at parliamentary norms, dahil sa tunggalian sa liderato at sa kanyang pagnanais na manatili sa posisyon.

Natuloy ang coup at naalis si Sotto sa puwesto, ngunit naisakatuparan na ang mga hakbang na kanyang inihanda. Nagmistula na ring circus ang simula ng panibagong linggo para sa Senado.

Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng NBI at ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) kung saan isang security personnel ng OSAA ang binugbog ng NBI agents. Nakaaawa ang naturang tauhan.

Nagkaroon din ng pagtatalo sa pagitan ng mga tagasuporta ni dela Rosa at mga NBI agent na may dalang assault rifles sa labas ng compound.

Habang nangyayari ang lahat ng ito, marami ang nakapansin na tila magaan lamang ang reaksiyon ni Sotto. Kaya hindi rin mawala sa kanilang isipan na bahagi ang dating Senate leader sa kinahantungan ng mga pangyayari kung saan nagmistulang katawa-tawa at kahiya-hiya ang Senado.

Kahapon ay nilinaw ni Sotto ang pagbibigay ng pahintulot sa NBI agents na makipag-ugnayan sa OSAA kaugnay ng kanilang pakay. Aniya, wala siyang alam at hindi rin siya inabisuhan na darating sa araw na iyon si Sen. Bato kaya ganun ang naging instruction niya.

145

Related posts

Leave a Comment