PINAGKOKOMENTO ng Supreme Court ang mga respondent sa urgent motions na inihain ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay sa arrest warrant ng ICC.
Ito ay kaugnay sa inihaing Urgent Manifestation with Omnibus Motion at Extremely Urgent Supplemental Manifestation with Motion ng kampo ni Dela Rosa para hilingin na maglabas ang SC ng TRO upang pigilan ang pag-aresto sa kanya sa bisa ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Binigyan ng Korte Suprema ng 72 oras na hindi na maaaring palawigin ang Malakanyang at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno upang magsumite ng kanilang komento.
Inatasan din si Dela Rosa na magsumite ng kanyang reply sa loob ng 72 oras matapos matanggap ang tugon ng mga respondent.
Sa kanyang mosyon, humihingi si Dela Rosa ng temporary restraining order, writ of preliminary injunction o status quo ante order upang mapigilan umano ang kanyang pag-aresto, pagdetine o paglipat nang walang pahintulot ng korte.
Kinuwestyon din niya ang subpoena ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group kaugnay sa alegasyon ng extrajudicial killings noong siya pa ang Davao City police director.
Sa hiwalay na supplemental motion, inakusahan din ni Dela Rosa ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation na umano’y humarang sa kanya sa Senado.
Kinuwestyon din niya ang pagprisinta ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa umano’y kopya ng ICC arrest warrant laban sa kanya.
(JULIET PACOT)
63 