PNP NIRERESPETO ‘NATATANGING’ PANAWAGAN NI BATO SA PMA ALUMNI

INIHAYAG ng Philippine National Police na iginagalang nito ang “natatanging” paraan ng panawagan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng suporta mula sa kanyang kapwa alumni ng Philippine Military Academy.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Randulf Tuaño, itinuturing ng PNP na isang paraan lamang ng pagpapahayag ng saloobin ang ginawa ng senador.

“Sa ngayon, itinuturing ng PNP na isang natatanging paraan ng pagpapahayag ng kanyang saloobin ang ginawa ni Sen. dela Rosa hinggil sa mga pangyayari sa kanya. Iginagalang ng PNP ang ganitong uri ng pagpapahayag,” ani Tuaño.

Sa pamamagitan umano ng pag-awit ng PMA Cavalier Hymn, umaapela si Dela Rosa ng suporta mula sa kanyang mga mistah.

Nang tanungin kung maituturing itong panawagan sa rebelyon, sinabi ni Tuaño na wala pa silang nakikitang paglabag sa batas at sasailalim pa ito sa validation ng kanilang legal team.

Nauna nang nanawagan si Dela Rosa sa kanyang mga kapwa PMA Cavaliers na magsagawa ng “peaceful action” matapos lumabas ang warrant of arrest mula sa ICC kaugnay ng umano’y papel niya sa war on drugs.

Nilinaw naman ng senador na hindi siya humihikayat ng marahas na pagkilos.

“Ang apela ko sa kanila ay peaceful action,” ani Dela Rosa.

Iginiit din nito na hindi pulitika kundi soberanya ng bansa ang isyu.

“The issue there is not about politics. The issue there is maintaining the sovereignty of the Philippines so that foreigners will not interfere,” dagdag pa niya.

(JESSE RUIZ)

60

Related posts

Leave a Comment