DUMALO sa unang preliminary hearing sa Department of Justice si Shariff Aguak, Maguindanao del Sur Mayor Datu Akmad “Mitra” Ampatuan kaugnay ng tangkang pagpaslang sa kanya.
Kasama ni Mayor Ampatuan ang kanyang abogado na si Atty. Cyrus E. Torreña.
Ayon kay Atty. Torreña, ilan umano sa kanilang mga kamag-anak ang sinampahan din ng reklamong paglabag sa Anti-Terror Law.
Sinabi rin ng abogado na babalik sila sa Mayo 26, 2026 para sa pagsusumite ng counter-affidavit ng mga akusado.
Ayon kay Mayor Ampatuan, ikalima na umano ang ambush laban sa kanya at maging ang kanyang pamangkin ay naging biktima rin ng pananambang at nasawi.
“Sana ‘yung inihain naming kaso, hinihingi ko sa DOJ na mapalabas kaagad ‘yan para tigilan na ang mga ganitong pangyayari. Kasi doon sa amin, talagang natatakot na ang mga tao dahil sunod-sunod ang nangyari sa akin,” ani Mayor Ampatuan.
Sa kabila ng paulit-ulit na tangkang pagpatay sa kanya, sinabi ni Mayor Ampatuan na wala siyang planong magtago.
“Wala naman akong kasalanan sa kanila. Wala akong maisip kung ano ang kasalanan ko sa kanila. Wala akong utang sa kanila dahil pamilya rin naman kami,” dagdag nito.
Matatandaang nakaligtas si Mayor Ampatuan sa tangkang pagpaslang matapos salagin ng kanyang armored vehicle ang pag-atake gamit ang rocket-propelled grenade ng mga armadong suspek noong Enero 2026.
Dalawa sa kanyang mga security escort ang nasugatan sa insidente habang tatlo naman sa mga salarin ang napatay.
(JULIET PACOT)
98 