Nagse-cellphone habang nagmamaneho ESTUDYANTENG RIDER NAHULOG SA TULAY, PATAY

PATAY ang isang 23-anyos na college student makaraang mahulog sa tulay ang minamanehong motorsiklo habang nagse-cellphone sa Carmona City, Cavite noong Lunes ng madaling araw.

Isinugod sa Pagamutan ng Carmona ang biktimang si alyas “Ely” ng Brgy. Milagrosa, Carmona City ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang itim na motorsiklong Yamaha NMAX na may plakang 966NFB, sa kahabaan ng Southwood’s Congressional Road Bridge sa Brgy. Cabilang Baybay, Carmona City, galing sa GMA, Cavite bandang alas-12:00 ng madaling araw, nang mahulog ito sa nasabing tulay.

Base sa CCTV footage, makikitang mabagal lang ang pagmamaneho ng biktima subalit nakayuko ito at tila gumagamit ng cellphone kaya hindi nito napansin na paparating na siya sa isang two-way bridge na bukas ang kanang bahagi kung saan ito nahulog.

Isang concerned citizen ang nakasaksi sa pangyayari na ipinagbigay-alam nito sa Carmona Component City Police Station.

Iniahon ang biktima at isinugod sa ospital subalit hindi umabot nang buhay.

Naipaalam naman ang insidente sa mga magulang ng biktima na tumanggi nang isailalim sa awtopsiya ang bangkay nito.

(SIGFRED ADSUARA)

87

Related posts

Leave a Comment