DERMALOG SA LTO, PINAIIMBESTIGAHAN SA UMANO’Y BANTA SA NATIONAL SECURITY

HINILING ng isang civic organization sa National Bureau of Investigation na imbestigahan ang Dermalog, ang IT service provider ng Land Transportation Office na may hawak sa pag-imprenta ng driver’s license ng mga Pilipino.

Sa liham na ipinadala kay NBI Director Atty. Melvin Matibag noong Mayo 19, 2026, hiniling ng grupong Flag Maharlika na busisiin ang umano’y paglalantad ng mahahalagang rekord ng mga aplikante ng driver’s license sa ibang bansa.

Ayon sa Flag Maharlika, nakasaad sa Ombudsman Resolution OMB-C-C-22-0061 na inilabas noong Nobyembre 16, 2022 ang ulat ng LTO Management Information Division na may petsang Oktubre 27, 2020, kung saan sinasabing may access at kontrol umano ang Dermalog sa five-year driver’s license inventory at printing application modules ng ahensya.

Sinabi pa ng grupo na lumabas umano sa naunang imbestigasyon na posibleng magkaroon ng national security threat dahil sa kakayahan ng service provider na mag-imprenta ng lisensya na hindi natutunton ng LTO kahit sa labas pa ng bansa.

Nabanggit din sa reklamo na sa tuwing may paglilipat ng inventory mula sa isang LTO district patungo sa iba ay kinakailangan pa umanong makipag-ugnayan sa empleyado ng Dermalog na nasa Malaysia upang maisagawa ang proseso.

Dahil dito, sinabi ng Flag Maharlika na nagrekomenda noon ang LTO Technical Working Group na i-blacklist ang Dermalog at huwag nang payagang makasali sa mga susunod na bidding ng gobyerno.

Iniuugnay naman ang usapin sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 3019, Republic Act No. 9184, at Republic Act No. 10175 kaugnay ng illegal access, data interference, at system interference.

Umaasa naman ang Flag Maharlika na sa tulong ng NBI, Department of Information and Communications Technology, at National Security Council ay masisiguro ang buong kontrol ng Pilipinas sa sistema ng driver’s license at mapoprotektahan ang personal na datos ng mga motorista.

(PAOLO SANTOS)

82

Related posts

Leave a Comment