PINAKAKASUHAN ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group si suspended Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca at dalawang tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms Administration (OSAA) kasunod ng nangyaring gun firing incident sa Senado noong Mayo 13.
Ayon kay CIDG Director PMGen. Robert Alexander Morico II, inirerekomenda nilang kasuhan sa Department of Justice si Aplasca at ang dalawang tauhan nito kaugnay ng paulit-ulit na pagpapaputok sa loob ng gusali ng Senado.
Sinabi ni PMGen. Morico na nilabag umano nina Aplasca ang Republic Act No. 11917 matapos lumabas sa imbestigasyon na sa hanay ng OSAA nagsimula ang putukan sa loob ng Senate premises.
Wala umanong basehan ang tatlo upang gamitin ang kanilang mga armas sa ilalim ng nasabing batas.
Kaugnay nito, tinawag ni PMGen. Morico na “panic firing” ang ginawa ng OSAA habang “defensive firing” naman ang isinagawa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation.
Nauna nang sinerbisyuhan ng subpoena ng PNP-CIDG sina Aplasca at 10 miyembro ng OSAA para sa isinasagawang imbestigasyon sa shooting incident.
Kinumpirma rin ni PMGen. Morico na isinuko na ni Aplasca at ng dalawa nitong tauhan ang kanilang mga ginamit na armas na sumailalim na sa ballistic examination.
“We will be transmitting our findings to the DOJ. It is up to the DOJ to assess,” ani PMGen. Morico.
(JESSE RUIZ)
49 