PAHAYAG NI APLASCA NA ‘SPLICED’ ANG CCTV FOOTAGE, PINALAGAN NG DILG

PINALAGAN ni DILG Sec. Jonvic Remulla ang sinabi ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na “spliced” ang CCTV footage na ipinresenta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa publiko kaugnay ng umano’y pag-atake sa Senado noong Mayo 13, 2026.

“No, not at all. May time-stamped naman lahat. So, it couldn’t have been spliced. Those were direct from CCTV cameras of the Senate, their servers. And, hindi puwede spliced ‘yun dahil may time-stamped din siya,” ani DILG Secretary Remulla.

Sa kabilang dako, tila ipinamukha rin ng Malacañang kay Aplasca na hindi “spliced” o pinutol-putol ang mga ipinresentang CCTV footage ng Department of the Interior and Local Government para palabasing walang naganap na pag-atake sa Senado.

“Ang nai-present po sa briefing kahapon, ‘yan po ay galing mismo rin sa Senado. So, kung ano po, kung ano pang ebidensya na meron sila, kakailanganin po ‘yan ng DILG, ng DOJ at ng Ombudsman para makita natin ang buong katotohanan,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Sa ulat, sinabi ni Aplasca na “spliced” ang mga ipinresentang CCTV footage upang paboran umano ang naratibo na walang naganap na pag-atake.

Nauna nang ipinakita ni Maj. Gen. Robert Morico II, director ng Criminal Investigation and Detection Group, ang sipi ng security footage kung saan makikitang si Aplasca umano ang unang nagpakawala ng warning shot bago gumanti ng putok ang isang NBI agent.

(CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment