GUMUHO ang isang 9-palapag na under construction na gusali at pinaniniwalaang na-trap sa loob ang nasa 40 manggagawa rito sa kanto ng Oak Street at Teodoro Street sa Old Sta. Maria, Barangay Balibago, Angeles City, Pampanga nitong madaling-araw ng Linggo, Mayo 24, 2026.
Kasalukuyang nagsasagawa ng search and rescue operation ang iba’t ibang government at volunteer rescue teams sa site ng pinangyarihan ng pagguho kung saan may mga katabing establisyemento rin ang nadamay kabilang ang former Lorietas Building at Norma’s Money Changer.
Base sa panimulang imbestigasyon, nangyari ang pagguho bandang alas-3:00 nitong Linggo ng madaling-araw matapos ang malakas na ulan at hangin na nagpatumba ng maraming mga puno sa maraming lugar sa Angeles City noong Sabado ng gabi.
Agad iniutos ni Mayor Carmelo Lazatin II sa Angeles City Disaster Risk and Reduction Management Office (ACDRRMO) ang pagsasagawa ng rescue operation, kasama ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Barangay officials ng Balibago at mga volunteer rescue team para sa search and rescue operations.
Nabatid na bandang alas-7:00 ng umaga ay una nang na-rescue ang nasa 10 na pawang construction workers habang 10 pa na indibidwal mula naman sa nadamay na katabing establisyemento at 2 pa ang narinig na buhay na nasa loob ng gumuhong building.
Napag-alaman na ang mga biktimang nasa loob ng gumuhong gusali ay mga construction worker na natutulog sa 2nd floor nang mangyari ang pagguho.
Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation habang isinusulat ang balitang ito.
(ELOISA SILVERIO)
98 