On the Level ni JUNEX DORONIO
LINAWIN natin—hindi ito palabas. Totoo ito, at edukasyon ang direktang tinamaan sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Tinanggal si Mohagher Iqbal bilang minister ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng BARMM at hindi ito simpleng reshuffle o political adjustment.
Malinaw ang mensahe: mag-resign o ituturing kang resigned.
Mabigat ang dahilan—P2.2 bilyong procurement na pinuna ng Commission on Audit (COA) dahil sa samu’t saring anomalya.
Pera ito ng taumbayan na dapat napunta sa libro, silid-aralan, at maayos na upuan ng mga estudyante—hindi sa iregularidad.
Kaya hindi na nakapagtataka ang pahayag ni Chief Minister Abdulraof Macacua na “public trust has been seriously eroded.” Kapag tiwala ng publiko ang nasira, hindi iyan basta napapalitan—kahit ilang opisyal pa ang sibakin.
Ano ba talaga ang nangyari?
Simple pero nakagagalit: may 520 araw na delay sa delivery ng armchairs—mahigit isang taon—pero walang ipinataw na penalty na aabot sa P1.06 milyon.
May 53 kontrata na halos P2 bilyon ang halaga na pinayagan kahit may depekto.
May mga bidder na dapat disqualified pero nakalusot.
At mas masakit—may mga bayad na inilabas kahit kulang ang dokumento.
Parang “bahala na” ang sistema.
Dito na pumapasok ang mas malalim na problema.
Hindi lang ito usapin ng isang opisyal.
Hindi lang ito tungkol sa isang maling desisyon.
Ito ay malinaw na indikasyon ng sistemikong kahinaan—isang procurement process na puwedeng malusutan, isang oversight na tila bulag, at isang accountability na madaling iwasan.
At sino ang talo?
Hindi ang opisyal. Hindi ang contractor. Kundi ang mga estudyante.
Habang may anomalya sa itaas, kulang ang upuan sa ibaba.
Mas lalo pang lumalim ang isyu nang lumabas na umaabot sa P5,070 ang presyo kada armchair—halagang mahirap ipaliwanag kung ihahambing sa kalidad at presyo sa merkado.
At hindi pa diyan nagtatapos. May ulat din na may P5 bilyong pondo na matagal nang nakatengga sa loob ng ministeryo—hindi nagamit, hindi naibalik sa National Treasury.
Isang napakalaking oportunidad na nasayang para sa edukasyon at iba pang serbisyong publiko.
Kaya ang tanong: sapat na ba ang pagsibak?
Oo, kailangan ang pananagutan.
Pero kung sistema ang may sakit, hindi sapat ang palit-tao.
Kung walang tunay na reporma—sa procurement, sa monitoring, sa enforcement—uulit at uulit lang ang ganitong eksena.
Sa huli, hindi lang ito tungkol sa kung sino ang sisibakin.
Ang tunay na laban ay kung paano ibabalik ang tiwala ng publiko—at kung paano titiyakin na ang bawat pisong inilaan para sa edukasyon ay talagang napupunta sa kinabukasan ng kabataan.
Dahil kapag sistema ang bumagsak, hindi lang opisyal ang nadadapa—pati ang buong henerasyon.
*****
Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com
96 