Clavano: master plunderer si Romualdez

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

MABIGAT ang naging paratang ni Assistant Ombudsman Mico Clavano laban kay Congressman Martin Romualdez. Hindi maliit na bagay ang tawaging “master plunderer” ang isang dating House Speaker at isa sa pinakaimpluwensyal na personalidad sa gobyerno. Nakagugulat ang nasabing banat ni Clavano pero sa totoo lang, marami rin ang hindi na nagtaka.

Habang paulit-ulit na binabaha ang iba’t ibang lugar sa bansa at habang sunod-sunod ang mga kwestyonableng flood control projects, bilyon-bilyong piso naman ang tila nawawala. Sa gitna nito, may isang politikong inuugnay sa marangyang pamumuhay at napakalawak na yaman.

Hindi na bago ang mga usap-usapan tungkol sa umano’y mga ari-arian ni Romualdez. Kabilang dito ang mga property raw sa Forbes Park, mga mansion at estate sa abroad, malaking property sa Massachusetts, luxury villa sa Spain, helicopter, private plane, at koneksyon sa iba’t ibang negosyo at business associates. Kaya marami ang nagtatanong: Saan nanggaling ang ganitong klase ng yaman habang ang ordinaryong Pilipino ay lubog sa baha at problema sa pera?

Marami ang humanga at pumuri kay Clavano dahil sa kanyang pagiging prangka at diretso. Sinabi niya ang matagal nang gustong sabihin ng maraming tao. Wala siyang palusot at hindi siya umiwas sa isyu.

Dahil dito, mas tumindi ang pressure sa Office of the Ombudsman. Nakasalalay ngayon ang kredibilidad ng ahensya. Paninindigan ba nila ang mga salitang binitiwan? O hihina rin kapag nakaharap na ang impluwensya ng makapangyarihang personalidad?

Malaki rin ang agam-agam ng publiko dahil fraternity brothers sina Ombudsman Boying Remulla at Romualdez. Sa bansang matagal nang may padrino system at utang na loob politics, natural lang na magtanong ang taumbayan kung kakayanin bang labanan ng isang opisyal ang sarili niyang brod.

Pero rito rin masusubok kung may saysay pa ang hustisya sa Pilipinas. Kapag nauwi lang sa press conference, ingay, at scripted narratives ang mga kaso, lalo lang mawawala ang tiwala ng publiko sa sistema.

Kaya importante ang mga taong gaya ni Clavano. Sa wakas, may isang opisyal mula mismo sa loob ng sistema na handang magsalita nang direkta at sabihing si Romualdez umano ang sentro ng pandarambong.

Kahit paano, nagbibigay ito ng pag-asa sa mamamayan na baka mayroon pang natitirang hustisya sa bansa.

Bukas ang kolum na ito para sa maaaring ipahayag na panig ng dating House Speaker hinggil sa isyu.

118

Related posts

Leave a Comment