NILINAW ng Malacañang na walang obstruction of justice sa panig ni Senate President Alan Peter Cayetano sa kabila ng tensyonadong sitwasyon sa pagitan nila ni Interior Secretary Jonvic Remulla habang isinisilbi ang warrant of arrest laban kay Senador Jinggoy Estrada noong Lunes.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inaresto si Estrada ng mga awtoridad at hindi boluntaryong sumuko.
“Hindi naman siya obstruction of justice. ‘Di naman niya itinago,” pahayag ni Castro patungkol kay Cayetano.
“Nagkataon lang pinipigilan niya dahil siguro iniisip niya, siya ang Senate President at nasa lugar siya, at ang sinasabi niya ay this is not for Senator Jinggoy, but for the institution,” dagdag pa niya.
Nauna rito, naglabas ang Sandiganbayan Fifth Division ng warrant of arrest laban kina Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at tatlo pang iba kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y maanomalyang flood control projects.
Matapos ilabas ang warrant of arrest, nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na inaresto at hindi sumuko si Estrada.
Sinabi ni Remulla na alas-3:30 ng hapon nang dumating siya sa Senado upang personal na isilbi ang warrant of arrest sa senador.
Ayon pa sa kalihim, hindi naging mahirap ang pag-aresto kay Estrada dahil agad naman umano itong sumama sa mga awtoridad.
Matapos nito, dinala si Estrada sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa booking at iba pang kaukulang proseso.
Kaugnay naman sa kahilingan ni Estrada na sumailalim sa operasyon dahil sa knee injury, sinabi ni Remulla na wala na ito sa kanyang kapangyarihan.
Aniya, ang Sandiganbayan na ang magdedesisyon kung papayagan ang naturang kahilingan.
(CHRISTIAN DALE)
70 