ITINANGGI ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente Calinisan na may balak siyang tumakbo sa 2028 national elections at sinabing wala rin siyang layuning magpasikat sa media.
Ito ang kanyang pahayag kaugnay ng naging mainitang pagtatalo nila ni Police Corporal Simeon Suan, ang pulis na sangkot sa viral na insidente sa Taguig City kung saan isang senior citizen ang puwersahang inaresto.
Sa press conference sa Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni Calinisan na wala siyang ibang agenda kundi gampanan ang kanyang tungkulin bilang opisyal ng gobyerno.
Nilinaw rin niya na tanging mga pulis na nasasangkot sa mga viral na insidente ang kanilang inilalantad sa media upang malaman ng publiko na umaaksyon ang pamahalaan at maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.
Samantala, ibinunyag ni Calinisan na nagtangka umano ang kampo ng gaming tycoon na si Atong Ang na suhulan siya kapalit ng pag-urong sa kaso kaugnay ng Missing Sabungeros.
Ayon sa opisyal, isang malapit niyang kamag-anak ang umano’y kinausap upang hikayatin siyang bitawan ang kaso laban sa mga pulis na nasasangkot sa naturang krimen.
(JULIET PACOT)
129 