ISANG hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang patay at nakahandusay sa gilid ng kalsada sa General Trias City, Cavite nitong Huwebes ng umaga.
Natagpuan ang bangkay sa kahabaan ng Sitio Kumba Road, Barangay Alingaro, General Trias City bandang alas-7:03 ng umaga.
Ayon sa paunang imbestigasyon, natatakpan ng sako ang mukha ng biktima nang matagpuan ito ng isang residente na dumaan sa lugar.
Napansin din umano ng nakasaksi ang mga bakas ng dugo sa kalsada malapit sa pinangyarihan.
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pagkakakilanlan ang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
Inaalam din ng mga awtoridad kung sa naturang lugar pinaslang ang lalaki o kung itinapon lamang doon ang kanyang bangkay upang iligaw ang imbestigasyon.
Nagsasagawa na rin ng backtracking at pagrepaso sa mga posibleng kuha ng CCTV cameras sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ang posibleng mga responsable sa krimen.
Patuloy ang follow-up investigation ng General Trias City Police para sa agarang paglutas sa insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
139 